Calendar
40 testigo nakalinya sa pagdinig ng kaso ni ex-Speaker Romualdez
NAKATALA sa depensa ni dating House Speaker at kasalukuyang Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang hanggang 40 posibleng testigo, ngunit maaaring mabawasan depende sa mga ebidensiyang ihaharap ng prosekusyon, ayon kay Atty. Ade Fajardo.
Pansamantala pa lamang ang listahan dahil susuriin muna ng depensa ang mga ebidensiyang ilalahad ng prosekusyon bago tuluyang magpasya kung sinu-sino ang kinakailangang tumestigo.
“This is all subject po sa presentation of prosecution. So lahat nang ito ay tentative pa,” ayon kay Fajardo.
Maaaring hindi na ipatawag ng depensa ang ilan sa mga nakalistang testigo kung makita nilang hindi naman kinakailangang sagutin ang mga ebidensiya ng prosekusyon o kung mahina ang mga ito.
“Kung sa aming pagtingin ay hindi naman kailangang sagutin o mahina naman o hindi malakas ang magiging ebidensya ng prosecution, we might not feel the need na to present those witnesses,” paliwanag nito.
Inaasahan ding kabilang si Romualdez sa listahan ng mga testigo ng kanyang depensa.
Nang tanungin kung sino ang magiging pinakamahalagang testigo para sa panig ng depensa, itinuro ni Fajardo si Romualdez.
“Syempre ang pinaka-importante ay ang akusado mismo, si Congressman Romualdez. He wants his day to defend himself in court,” sabi ni Fajardo.
Ayon sa abogado, malamang na tumestigo mismo si Romualdez kapag dumating na ang yugto ng paglalahad ng ebidensiya ng depensa.
Sinabi ni Fajardo na depende sa takbo ng mga pagdinig kung tetestigo si Romualdez sa bail hearings o sa mismong paglilitis ng kaso.
Ipinaliwanag nito na sa bail hearings, karaniwang unang naglalahad ng ebidensiya ang prosekusyon, habang may pagkakataon naman ang depensa na magharap ng mga ebidensiyang kokontra rito.
Para naman sa pangunahing paglalahad ng ebidensiya ng depensa, sinabi ni Fajardo:
“Likelier than not, titestigo po si Congressman Romualdez,” ani Atty. Fajardo.
Inihahanda rin ng depensa ang paghahain ng petition for bail kasunod ng pormal na pagtatapos ng pre-trial proceedings.

