Fuel

403 gas station na may paglabag ipinasasara

Alfred Dalizon Mar 23, 2026
97 Views

UMABOT na sa 403 gas stations sa buong bansa ang ipinasara dahil sa mga paglabag simula ng sumiklab ang gyera sa Middle East, ayon sa Philippine National Police (PNP) spokesperson.

“Mula po siya sa 273 noong Miyerkules at umabot na nga po siya sa 403,” sabi ni Police Brigadier General Randulf Tuaño, PNP spokesman, noong Lunes.

Nasa 14,313 gas stations nationwide ang ininspeksyon para malaman kung may paglabag, sabi ng spokesman.

Ayon kay Brig. Gen. Tuaño, inaalam na ng Department of Energy ang kinalaman ng mga isinarang gas stations sa hoarding o profiteering.

May mga kinasuhan na rin ng illegal fuel selling, hoarding at profiteering sa Nueva Vizcaya, Eastern Samar, and Albay.

“We in the PNP fully understand the situation that gas station owners face amid the challenges brought by the situation in the Middle East. But if the sudden closure is for illegal scheme, then expect police action on this matter,” sabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez.

Noong nakaraang linggo, apat ang inaresto sa Bicol dahil sa unauthorized fuel distribution.

Nakilala ang mga naaresto sa Brgy. Maipon, Guinobatan, Albay dahil sa paglabag sa Batas Pambansa 33 na sina alyas Karl, Malyn, Nel at Meo.

Nakuha sa pag-iingat nila ang 3 portable micro fuel dispensers, fuel tank, sales invoices at buy‑bust money na aabot sa P2.32 million.

Ayon kay PNP-CIDG director, Major Gen. Robert Alexander A. Morico II, nakuha sa mga suspek ang 500 liters ng mga gas at krudo.

Naaresto ang mga suspek nina Colonel Oscar Regala Jr. at CIDG Albay headed by Lieutenant Col. Joseph Maribbay.