Dy

Speaker Dy natuwa sa pag-apruba sa kahalili ng right to info act of ’26

Mar Rodriguez Mar 23, 2026
91 Views

IKINAGALAK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang pag-apruba ng House Committee on Public Information sa substitute sa “Right to Information” (RTI) Act of 2026 na magpapatatag sa transparency at laban sa korapsyon.

Ayon sa House Speaker, ang nasabing panukalang batas ang magbibigay kapangyarihan sa mga mamamayan na siyang magpapatibay ng kampanya laban sa katiwalian sa pamamagitan ng pagpapatupad ng transparency.

Sinabi ni Speaker Dy na ang pagsasabatas sa karapatan ng taong bayan na makakuha ng impormasyon ay isang krusyal na hakbang sa pagtataguyod ng transparency at pagtitiyak din na ang gobyerno ay nananatiling accountable.

Pagbibigay diin ni Dy na napakahalaga na ang sinumang opisyal ng gobyerno ay mayroong pananagutan o accountability sa publiko at ang mamamayan na may access sa impormasyon.

Magagamit ang impormasyong ito laban sa korapsyon, ayon sa Speaker.

Kung ang mamamayan ay may access sa anumang impormasyon sa gobyerno, dagdag pa ni Speaker Dy, mas magiging maingat ang mga opisyal ng pamahalaan sa pagdedesisyon.

Ipinaliwanag din nito na ang katapatan sa serbisyo ng mga naglilingkod sa pamahalaan. Maging opisyal man o ordinaryong kawani ay isang pinaka-malakas na panangga laban sa pang-aabuso sa kapangyarihan at korapsyon.

Iginigiit ni Speaker Dy na kung ang mga mamamayan ay may access o laya sa impormasyon sa gobyerno, mas magiging handa silang suriin ang mga pampublikong dokumento at papanagutin ang mga institusyong nasasangkot sa iregularidad.