Calendar
Larawan: Professional Regulation Commission/FB
4,165 examinees pumasa sa Physicians Licensure Exam — PRC


AABOT sa 4,165 examinees ang pumasa sa October 2026 Physicians Licensure Examination mula sa kabuuang 4,447 na kumuha nito, ayon sa Professional Regulation Commission (PRC).
Nanguna sa pagsusulit si Maxine Francesco Gwyneth Cena Baculo ng University of Santo Tomas matapos makakuha ng 95.50% rating, batay sa listahan ng sampung examinees na nakakuha ng pinakamataas na marka.
Isinagawa ang pagsusulit sa National Capital Region at sa Baguio, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Koronadal, Legazpi, Lucena, Pampanga, Rosales, Tacloban, Tuguegarao at Zamboanga.
Inilabas ang resulta sa loob ng apat na araw ng trabaho matapos ang huling araw ng pagsusulit.
Samantala, pinigil muna ang resulta ng isang examinee habang hinihintay ang pinal na pagtukoy sa kanyang pananagutan sa ilalim ng mga patakaran ng licensure examination. Pinigil din ang resulta ng isa pang examinee habang hinihintay ang pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento.
Simula Disyembre 1, 2026, isasagawa na online ang pagpaparehistro para sa Professional Identification Card at Certificate of Registration. Kailangang dalhin ng mga magpaparehistro ang screenshot ng system-generated Registration Form at isang valid government-issued ID. Personal ding kailangang magparehistro ang mga pumasa at lumagda sa Roster of Registered Professionals.
Hindi pa inaanunsyo ng PRC ang petsa at lugar ng oath taking ceremony para sa mga bagong doktor.

