Calendar
Natitirang P11M pondo sa trial ni VP Sara sapat–Lacson
SAPAT at maaari pang sumobra ang natitirang humigit-kumulang P11 milyong pondo para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Batay sa datos ni Senate President Sherwin Gatchalian, mahigit P14 milyon na ang nagastos mula sa P25.7-milyong continuing appropriation para sa paglilitis sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act, ani Lacson.
Ang continuing appropriation ay pondong magagamit pa kahit lumampas na ang taon kung kailan ito inilaan.
Sinabi rin ni Gatchalian na umabot sa P14,553,561.70 ang gastos na direktang may kinalaman sa paglilitis sa loob ng 44 na araw, o humigit-kumulang P330,763 kada araw.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na ang pangunahing dagdag na gastos ay ang upa sa Philippine International Convention Center (PICC) at ang pagkain, dahil buong araw na ang paglilitis. Ang kuryente at seguridad ay binabayaran daw ng Senado may impeachment man o wala.
Iginiit din niyang walang basehan ang pahayag ni Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Duterte, na P25 milyon kada araw ang gastos sa paglilitis. “Walang basis ‘yun at hindi totoo ‘yan,” aniya.
Sinagot din ni Gatchalian ang puna ni Panelo na nasayang ang oras at pondo matapos bawiin ng prosekusyon ang tatlo sa apat na artikulo ng impeachment.
“Ang trabaho namin to make public servants accountable. So hindi naman sayang oras namin kung ginagawa namin ang trabaho,” wika niya.
