Calendar
Personal na nagtungo si Regional Director Police Brig. General Arnold Thomas Ibay sa lugar kung saan natagpuan ang sasakyan at ang biktima na single mom na wala ng buhay sa Brgy. Alyansa, Lungsod ng Bago, Negros Occidental.
42-ANYOS NA SINGLE MOM NA 3 ARAW NG NAWAWALA NATAGPUANG WALA NG BUHAY SA TUBUHAN SA NEGROS OCCIDENTAL
NATAGPUAN ang wala ng buhay na katawan ng isang 42-anyos na babaeng naiulat na tatlong araw ng nawawala sa Negros Occidental noong Sabado ng hapon, araw ng undas.
Kinilala ang biktima na si alyas “Kristine Joy” na single mom.
Kinumpirma ni Police Regional Office-Negros Island Region (PRO-NIR) Director PBrig. General Arnold Thomas Ibay na ang suspek ay isang aktibong pulis na nakadestino sa Bacolod City Police Office.
Ayon kay Ibay, mismong ang pulis na suspek ang tumawag sa kanya upang iulat ang insidente at ituro nito bandang 12:58 ng tanghali noong Sabado ang lokasyon kung saan matatagpuan ang bangkay ng biktima sa isang tubuhan sa Barangay Alyansa, Lungsod ng Bago.
Sa pahayag ni Ibay, bandang alas-3:58 ng hapon noong Oktubre 29 nang matagpuan ang isang inabandonang kulay grey na Hyundai Accent kung saan nabatid na may mga bahid ng dugo, sa may kahabaan ng Sitio So-ol, Brgy. Gargato, Hinigaran, Negros Occidental.
Noong umaga ng Nobyembre 1, ang pulis na suspek ay boluntaryong sumuko sa tanggapan sa Camp Alfredo M. Montelibano Sr. sa Bacolod City.
Inamin nito ang pagkakasangkot sa pagkawala ng biktima na may-ari ng nasabing sasakyan. Inamin din nito na may alitan sila ng biktima, matapos na naiulat na nawawala ito mula nang mangyari ang insidente tatlong araw ang nakararaan.
Pagdating sa lugar, nakita ng mga rumespondeng tauhan ang nakaparadang sasakyan sa tabi ng isang plantasyon ng tubo na basag ang windshield sa gilid ng driver at kitang-kita ang mga mantsa ng dugo sa driver seat.
Sa isang pahayag, tiniyak ni PCol. Dennis A. Wenceslao, ang provincial director ng Negros Occidental Police Provincial Office (NOCPPO), sa publiko ang isang masinsinan at malinaw na imbestigasyon.
Patuloy na pinalalakas ng NOCPPO ang presensiya ng pulisya at mga pagsisikap sa pagsisiyasat upang itaguyod ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan.
Dahil dito pinuri ni Ibay ang walang humpay na pagsisikap ng mga imbestigador mula sa NOCPPO at Hinigaran Municipal Police Station, gayundin ang suportang ipinaabot ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at iba pang espesyal na yunit.
Tinitiyak nila sa publiko na tinutugis ng PRO-NIR ang iba pang mga kaso nang may pinakamataas na antas ng pagkamadalian, transparency at propesyonalismo.
Binigyang-diin ng pulisya na ang pagsuko ng suspek ay naglalapit sa pagtuklas sa katotohanan at pagtiyak na mabibigyan ng hustisya ang biktima at ang kanyang pamilya.
Patuloy na hinihimok ng pulisya ang publiko na iwasan ang haka-haka at agad na iulat ang anumang impormasyon na maaaring makatulong sa paglutas ng kasong ito.
Sinabi pa ng pulisya na nananatiling matatag ang PRO-NIR sa pagtataguyod ng kapayapaan, kaayusan at hustisya sa buong island region.

