Calendar
NAPOLCOM inutos imbestigahan pulis na suspek sa murder
INATASAN ni National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Rafael Vicente Calinisan ang Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) na imbestigahan ang isang pulis sa Bacolod City na umano’y sangkot sa pagkawala at pagpatay sa negosyante sa Negros Occidental.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na isang 42-anyos na babaeng may-ari ng isang sedan na natagpuang inabandona at may bakas ng dugo noong Oktubre 29 sa Hinigaran, Negros Occidental.
“Sisiguruhin ng NAPOLCOM na masusunod ang tamang proseso at papanagutin nang lubos ang pulis na nagkasala. Ang kasong administratibo ay hiwalay na uusad mula sa anumang kasong kriminal na isasampa sa korte,” ani Calinisan.
Tinukoy bilang pangunahing akusado ang pulis na sumuko kay Police Brigadier General Arnold Thomas C. Ibay, director ng Police Regional Office-Negros Island Region, noong Nobyembre 1.
Tinutukoy pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.
Samantala, nagpapatuloy ang operasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at ng Special Investigation Team upang matagpuan ang mga labi ng biktima.
Itinuring ni Ibay na mahalagang tagumpay ang pagsuko ng suspek sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Muli rin niyang tiniyak ang pangako ng PNP na panatilihin ang integridad, transparency at pananagutan sa kanilang hanay.

