Bugaw

5 bata nasagip sa online sexual abuse

279 Views

NASAGIP ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang limang menor de edad mula sa online sexual abuse at exploitation sa Ormoc City, Leyte at naaresto ang isang suspek.

Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng direktiba ni director Jaime Santiago ng NBI Human Trafficking Division (NBI-HTRAD) at NBI Eastern Visayas Regional Office (NBI-EVRO) bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa pang-aabuso sa kabataan.

Nagsimula ang kaso mula sa referral ng Department of Justice – Office of Cybercrime (DOJ-OOC) sa pamamagitan ng Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC).

Unang natukoy ang kaso ng isang 15-anyos na dalagita matapos madiskubre na ang kanyang sariling ina ang nakikipagpalitan ng child sexual abuse and exploitation materials (CSAEM) sa isang 41-anyos na Amerikano mula Alabama, USA.

Naiulat ng Facebook ang hindi bababa sa 13 insidente ng CSAEM na ipinakalat sa Messenger.

Sa ikalawang kaso, nakatanggap ng ulat mula sa Google at Facebook laban sa isa pang babae sa Ormoc City na umano’y gumagawa at nagbabahagi ng mga malaswang materyales gamit ang kanyang sariling anak.

Lumabas sa imbestigasyon na siya mismo ang nag-upload ng videos sa YouTube at nagpakalat ng mga ito sa Messenger, kasama ang kanyang asawa na ngayon ay pinaghahanap pa.

Inaresto agad ang ina, habang apat pang batang babae—may edad 3, 4, 7, at 8—ang nailigtas.

Sinampahan ang suspek ng mga kaso sa ilalim ng Republic Act 11930 (Anti-OSAEC and Anti-CSAEM Act), Cybercrime Prevention Act of 2012, Anti-Trafficking in Persons Act at mga susog nito at Child Abuse Law.