5 kalsada sa Luzon isinara dahil sa habagat, LPA

401 Views

LIMANG bahagi ng mga pambansang kalsada sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Cagayan Valley Region ang pansamantalang isinara sa lahat ng uri ng sasakyan dahil sa epekto ng habagat (southwest monsoon) at low-pressure area (LPA), ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Sabado.

Ayon sa ulat ng Bureau of Maintenance sa DPWH Secretary Vince Dizon, hanggang alas-10 ng umaga, ang mga sumusunod na kalsada ay hindi madaanan:

Baguio-Itogon Road (Tertiary Road), K0263+200, Sitio Goldfield, Barangay Poblacion, Itogon, Benguet – dahil sa pagguho ng lupa;

Balbalan-Pinukpuk Road (Tertiary Road), K0522+800-K0522+820, Pinukpuk Junction, Pinukpuk, Kalinga – dahil din sa pagguho ng lupa;

Lubuagan-Batong Buhay-Abra Boundary Road (Tertiary Road), K0476+250, Balatoc, Pasil, Kalinga – dahil sa pagguho ng lupa at bato;

Cabagan-Santa Maria Road (Secondary Road), Cabagan–Sta. Maria Overflow Bridge, K0451+462 – K0451+942, Brgy. Casibarag Norte, Cabagan, at Maozzozzin, Sta. Maria, Isabela – dahil sa pagtaas ng tubig;

Cagayan-Apayao Road (Tertiary Road), Itawes Overflow Bridge 1, K0519+(-706) – K0519+(-678), Sta. Barbara, Piat, Cagayan – dahil sa naguho o nasirang bahagi ng tulay.

Ayon pa sa DPWH, naglagay na ng mga babalang karatula upang gabayan ang mga motorista, at nagsasagawa na rin ang mga quick response teams ng mga clearing operations para agad na mabuksan muli ang mga kalsadang apektado.

Samantala, dalawang kalsada ang bukas lamang para sa magagaan na sasakyan:

Kennon Road (Primary Road), K0223+020, Sitio Camp 2, Barangay Twin Peaks at sa Rockshed approach, Camp 6, Tuba, Benguet – dahil sa pagguho ng lupa, nasirang slope protection, at pagguho ng kalsada;

Luyang-Poo-Lazi Road (Tertiary Road), K0018+250 – K0018+300, Cangomantong, Lazi, Siquijor – dahil sa pagguho ng bahagi ng kalsada.

Bilang bahagi ng paghahanda, 7,209 personnel at 1,347 kagamitan ang naka-preposition at na-deploy na bilang mga quick response assets sa Luzon, Negros Island Region, at Eastern Visayas.

#DPWH #RoadAlert