5 lalaki huli sa pagnakaw ng cable ng PLDT sa Laguna

Gil Aman Apr 13, 2023
168 Views

Kampo Heneral Paciano Rizal — Arestado ang limang lalaki matapos mahuli sa aktong nagpuputol ng kable ng PLDT nitong Miyerkules sa Bgy. San Antonio, Biñan City, Laguna.

Kinilala ni PCol. Randy Glenn G Silvio , acting Provincial Director ng Laguna PPO, ang mga suspek na sina alyas John Mark, Carlo, Johnrey, Rafael, at Mac-mac.

Sa ulat sni PLt. Virgilio Jopia, nagsasagawa ng roving inspection ng PLDT Aerial Copper Cable ang Duty Security Guard ng PLDT sa kahabaan ng national road sa nasabing barangay nang mamataan niya ang mga suspek na nagpuputol ng 600 pares ng nasabing mga kable na humigit-kumulang 50 metro ang haba at pag-aari ng PLDT.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang metal saw, cutting pliers at mga copper cable. Sa kasalukuyan ay nasa himpilan ng Biñan CPS ang mga suspek habang inihahanda ang kasong robbery laban sa mga suspek.

“Ang pakikipag-tulungan at suporta ng ating mga mamamayan at iba pang force-multipliers ay malaking tulong sa kapulisan sa pagsugpo sa iba’t-ibang uri ng kriminalidad sa ating komunidad. Ito ay isang patunay na maayos ang samahan ng kapulisan at pamayanan sa lalawigan,” ani PCol. Silvio.