Batangas

5 nasakote sa pagnakaw ng baterya sa DITO telco sa Rosario

325 Views

Batangas1

KAMPO HENERAL MALVAR, Lungsod ng Batangas — Inaresto noong Martes ng mga tauhan ng Rosario Municipal Police Station ang limang suspek kaugnay ng pagnanakaw sa DITO Telco Tower sa Brgy. Putingkahoy, Rosario, Batangas.

Ayon kay Batangas Police Director PCol. Marlon Rufo,ang mga suspek ay sina alyas Ferdie, 46, driver ng Grab, residente ng Imus, Cavite; alyas Rolly, 34, residente ng Quezon City; alyas Emil, 23, ng Quezon City; alyas Jay, 32, guwardiya, nakatira sa Quezon City; at isang alyas Jose, 56, walang trabaho, residente ng Las Piñas City.

Sa imbestigasyon, napag-alamang dakong 11:45 ng umaga nang makatanggap ang mga pulis-Rosario ng tawag mula sa area supervisor ng DITO Telco Tower tungkol sa insidente ng pagnanakaw.

Ayon sa supervisor, pumasok ang mga suspek sa gusali, sinira ang rectifying cabinet gamit ang bolt cutter, at kinuha ang mga baterya.

Ang mga suspek ay tumakas mula sa lugar sakay ng isang Mitsubishi Montero patungo sa bayan ng Rosario.

Nakuha ng mga otoridad ang sasakyan sa Brgy. Natu, Rosario, bandang 11:55 ng tanghali, ayon sa imbestigasyon.

Narekober mula sa mga suspek ang nasabing sasakyan, dalawang Changhong na baterya, limang piraso ng 6/ZTE na baterya na may kabuuang halaga na P570,000; bolt cutter, grinder at iba pang mga gamit.

Ipinaalam sa mga inarestong suspek ang kanilang mga karapatang konstitusyonal. Sumailalim rin sila sa medikal na pagsusuri sa MVM Sto. Rosario District Hospital.

Ang mga kaukulang dokumento ay inihahanda na para sa pagsasampa ng angkop na kasong kriminal laban sa mga suspek.