Laguna Makikita si Police Brigadier General Hansel M. Marantan habang hawak ang simbolikong watawat at ipinapasa ito kay Police Colonel Sandro Jay Dela Cruz Tafalla bilang bagong Provincial Director ng Laguna, habang nasasaksihan ni Police Colonel Jonar Ramirez Yupio ang pormal na paglilipat ng pamumuno. Kuha ni ROY TOMANDAO

PCol. Tafalla bagong acting prov’l director ng Laguna PNP

Roy Tomandao Apr 1, 2026
158 Views

CAMP VICENTE LIM — Pormal nang itinalaga si Police Colonel Sandro Jay Dela Cruz Tafalla bilang bagong Acting Provincial Director ng Laguna Police Provincial Office sa isinagawang Turnover of Office Ceremony sa Camp BGen Vicente P. Lim, PRO4A Multi-Purpose Center Hall.

Pinalitan ni PCol. Tafalla si Police Colonel Jonar Ramirez Yupio na nagsilbing provincial director ng lalawigan. Pinangunahan ang seremonya ni Police Brigadier General Hansel M. Marantan bilang presiding officer ng naturang aktibidad.

Sa kanyang mensahe ng pamamaalam, nagpasalamat si PCol. Yupio sa mga kapulisan, sa Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa pangunguna ni Sol Aragones, at sa mga stakeholder na patuloy na nagbigay ng suporta at kooperasyon sa kanyang panunungkulan.

Samantala, binigyang-diin ni PCol. Tafalla ang kanyang pangako na itaguyod ang propesyonalismo, integridad, at matibay na ugnayan sa komunidad upang maisulong ang mas epektibo at responsableng serbisyong pulisya, alinsunod sa Focused Agenda ng Chief, PNP at sa mga programa ng Regional Director. Pinuri naman ni PBGen, Marantan ang dedikasyon at mahahalagang kontribusyon ni PCOL Yupio sa panahon ng kanyang panunungkulan, at ipinahayag ang kanyang buong kumpiyansa sa kakayahan ni PCol. Tafalla na ipagpatuloy at lalo pang palakasin ang mga tagumpay ng Laguna police force.

Binigyang-diin din ni PBGen. Marantan na ang kapayapaan ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng kapulisan at komunidad. Aniya, mahalaga ang tiwala ng publiko at matatag na pamumuno upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lalawigan ng Laguna.

Dinaluhan ang seremonya ng mga miyembro ng Command Group, Regional Staff, at iba pang opisyal ng Laguna Police Provincial Office bilang simbolo ng pagkakaisa at patuloy na dedikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.