Rebelde

5 rebelde balik-gobyerno, umaming naligaw ng landas

Steve A. Gosuico Nov 17, 2024
92 Views

LAUR, Nueva Ecija–Kumalas noong Sabado ang umano’y limang magsasaka na nauugnay sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) at binawi ang suporta sa grupo bilang tanda ng pagbabalik-loob sa gobyerno.

Ayon kay Nueva Ecija First Provincial Mobile Force Company commander Lt. Col. Paterno Domondon Jr., kumampi na sa pamahalaan ang limang dating rebelde at inaming naligaw sila ng landas sa pagsuporta sa grupo.

Kinilala ang limang na sina alyas Ka Nesto, 67; Ka Mel, 52; Ka Roger, 52; Ka Boy, 67; at Ka Johny, 74, pawang mga taga-Brgy. San Isidro, Gabaldon, Nueva Ecija.

Dating miyembro ang lima ng Alyansa ng Mamamayang Nagkakaisa (Almana) na ni-recruit sa grupo noong 2015 sa ilalim ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL), isang underground mass organization na umano’y may kaugnayan sa CPP-NPA.

Sinabi ni Nueva Ecija police provincial director Col. Ferdinand Germino na pinangunahan ng First PMFC ang special intelligence operation na nagresulta sa kanilang pag-kalas ng suporta sa Brgy. San Isidro.

Upang suportahan ang kanilang pagbabalik sa pamahalaan, ang limang dating rebelde tumanggap ng mga food packs bilang pagtalima sa pangako ng gobyerno na magbigay ng tulong sa mga dating militante sa kanilang pagbabalik sa legal at mapayapang pamumuhay.