Navotas

59 OSYs, tambay nakakumpleto ng libreng pagsasanay sa NAVOTAS Institute

Edd Reyes Sep 28, 2024
120 Views

LIMAMPU’T-siyam na out-of-school-youth (OSYs) at tambay sa Navotas ang nakakumpleto ng libreng pagsasanay sa Navotas Vocational Training and Assessment (NAVOTAAS) Institute.

Sa 59, 20 ang napagkalooban ng national certification (NC) II sa Shielded Metal Arc Welding, 20 ang sa pagiging barista habang 19 ang nakakumpleto sa training sa paggawa ng tinapay at pastries at 18 sa mga ito ang nakatanggap ng national certification.

Tumanggap din ang mga lumahok ng mga gamit na pwede nilang gamitin sa pagsisimula ng practice ng kanilang skill at kaukulang salapi na magagamit sa pagsisimula ng negosyo.

Pinuri ni Mayor John Rey Tiangco ang mga nagtapos dahil sa pagpupunyagi at binigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na pagtuklas ng kaalaman para sa kanilang pagpapaunlad ng buhay.

“Hindi ibig sabihin na hindi tayo nakapagtapos ng pormal na pag-aaral o wala tayong diploma wala na tayong pag-asa.

May oportunidad pa ring umasenso. Importante na mayroon tayong tamang skills at pag-uugali para sa trabaho o negosyo na nais nating pasukin,” sabi ng alkalde.

Hinimok niya ang mga nakapagsanay na samantalahin ang iba pang programa ng pamahalaan, tulad ng NegoSeminars na iniaalok ng Navotas, at Hanapbuhay Center, upang mapalawak pa ang kanilang kaalaman at kahusayan.