BI Photo: Bureau of Immigration

6 Chinese nationals na sangkot sa iba’t-ibang kaso tiklo sa BI

Jun I Legaspi Sep 15, 2024
80 Views

NADAKIP ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang anim na Chinese nationals na umano’y wanted sa China dahil sa pagkakasangkot sa iba’t-ibang krimen.

Nakilala ang mga dayuhan na sina Wei Hanbing, 33; Wang Bo, 32; Wang Zhaoshan, 37; at Guo Dong, 26.

Naipasa sa kustodiya ng BI-fugitive search unit (FSU) ang mga suspek noong Agosto 31 makaraang madakip ng mga miyembro ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Base sa impormasyon, wanted si Wei Hanbing sa kasong “concealment of crime” habang sina Wang Bo at Wang Zhaoshan wanted sa “fraud.” Si Guo Dong wanted sa kasong “illegal business.”

Kabilang ang mga dayuhang naaresto sa kuta ng crypto currency investment at love scam sa Parañaque City noong Agosto 22.

Samantala, sinabi ni BI FSU Chief Rendel Ryan Sy na nadakip din nila ang Taiwanese national na si Wu Hsih Hsu, 53, noong Setyembre 5 sa tanggapan ng BI sa Intramuros, Manila.

Isang “undesirable alien” si Wu dahil may warrant of arrest siya sa kasong rape na nakasampa sa Taiwan court noon pang 2005. Overstaying na rin siya sa Pilipinas ng mahigit 20 taon.

Noong Setyembre 8, nadakip ang Chinese national na sina Zhang Xi, 38, sa may Diosdado Macapagal Boulevard, Parañaque City.

Wanted si Zhang ng gobyerno ng China at Interpol at nahaharap sa warrant of arrest dahil sa kasong Illegal Control of Computer Information Systems na paglabag sa Violation of the Article 285 ng China’s Criminal Law.

Sinasabing lider siya ng isang “online criminal group” na nagdisenyo ng computer virus para makakalap ng mga personal na impormasyon ng kanilang mga biktima sa kanilang panggagantso.

Nasa 4,200 computers sa China na ang na-hack ng sindikato niya at nasa 7 million yuan na ang natangay mula lamang noong 2023.

Nakaditine ang anim na dayuhan sa BI holding facility sa Taguig habang pinoproseso ang kanilang deportasyon.