Calendar
Source: CIDG
CIDG ni-raid 3 bodega sa Bulacan, P307M na hoarded na asukal nakuha
MEYCAUAYAN City–Ni-raid ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) ang itinago o hoarded na 95,000 na sako ng asukal na tinatayang nagkakahalaga ng P307.7 milyon noong Biyernes, ayon sa ulat kay PNP Chief Gen. Nicolas D. Torre III.
Ayon kay PNP-CIDG Officer-in-Charge Col. Ranie Hachuela, natagpuan ang 95,568 na sako ng asukal sa tatlong bodega ng BRAE Sugar Trading sa Muralla Industrial Park, Brgy. Perez, Meycauayan City.
Pinaniniwalaang itinago ang naturang asukal at ibebenta lang sa oras na tumaas ang presyo nito.
Bagama’t walang naarestong indibidwal sa isinagawang operasyon, sinabi ng CIDG na kakasuhan ang mga may-ari ng bodega kaugnay ng umano’y hoarding ng asukal.
Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang pangalan ng mga kakasuhan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Isinagawa ang raid sa bisa ng search warrant para sa paglabag sa Section 3(g) ng Republic Act 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, kaugnay ng RA 10659 o Sugarcane Industry Development Act of 2015.
Paliwanag ni Col. Hachuela, ang illegal na pagtatago ng produktong agrikultural gaya ng asukal–gaano man karami–itinuturing na economic sabotage ayon sa batas.
Ayon sa RA 10845, layunin ng estado na paunlarin ang sektor ng agrikultura at protektahan ang mga magsasaka laban sa mga mapagsamantalang negosyante at importer na nakakaapekto sa produksyon, suplay at presyo ng pagkain.
Binibigyang-diin din ng batas ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa laban sa malakihang smuggling ng mga produktong agrikultural upang mapanatili ang seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mga magsasaka.
Pinuri ni Hachuela ang kanyang mga tauhan sa matagumpay na operasyon at nagpasalamat sa Department of Agriculture (DA) at Sugar Regulatory Administration (SRA) sa kanilang suporta.
“Patunay ito ng aming matibay na paninindigan laban sa smuggling ng produktong agrikultural at economic sabotage,” sabi ni Col. Hachuela.
Nasamsam ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) itinago o hoarded na mahigit 95,000 na sako ng asukal na nagkakahalaga ng P307.7 milyon noong Biyernes.
