Cancer sa Bataan iigting sa tulong ng Swedish ambassador

Christian Supnad Jun 7, 2025
360 Views

MAKIKIPAGTULUNGAN ang ambassador ng Sweden sa Pilipinas sa pagpapabuti ng health programs sa Bataan.

Ito ang resulta ng pulong noong Biyernes nina Gov. Joet Garcia at Swedish Ambassador to the Philippines Anna Ferry kasama ang mga kinatawan ng Business Sweden.

“Katuwang natin sa pagpapabuti ng mga programang pangkalusugan partikular na sa pagpapalawak at pagpapahusay ng mga serbisyo pagdating sa cancer care sa Bataan,” sabi ng gobernador.

“Tinalakay po ang makabagong teknolohiya para sa early detection at treatment ng cancer, mobile diagnostic services at mga capacity-building programs para sa ating mga healthcare workers lalo na ng Bataan General Hospital and Medical Center (BGHMC) at ng Bataan GHMC Bagong Urgent Care and Ambulatory Services (BUCAS) Center sa Pilar sa pamumuno ni Dr. Glory Baltazar,” pahayag pa ni Gov. Garcia.

Ipinaliwanag pa ng gobernador na nais niyang mas mailapit ang mga nasabing serbisyo sa mga komunidad sa pamamagitan ng mobile diagnostic units tulad ng mammography at X-ray upang hindi na kailangang bumiyahe nang malayo ang mga pasyente para sa kanilang initial workup at follow-up.

Ayon kay Gov. Garcia, ang mga hakbang na ito ay alinsunod sa layunin ng National Integrated Cancer Control Act na bumuo nang mas episyente, abot-kaya at pantay na cancer care system sa lalawigan.