Calendar

6 na bagong RCEF beneficiaries taga-NE
GUIMBA, Nueva Ecija–Anim na farmers’ cooperatives and associations (FCAs) ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (NIA-UPRIIS) ang malamang na maging benepisyaryo ng Rice Processing System (RPS) sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF)-mechanization program ng Department of Agriculture, ayon kay Engr. Roberto Matias, NIA-UPRIIS Division 5 manager.
Ang anim na FCA na binubuo ng humigit-kumulang 6,000 farmer-members ang Guimba Licab irrigators association, Nacatamaaco IA, Guimba Victoria IA, Kasangga ng Rang-ay IA, Barangayan Siete IA at Casscafft IA.
Ang RPS isang paraan na ina-avail ng mga kwalipikadong FCA sa ilalim ng RCEF-mechanization program ng Philippine Center for Post Harvest Development and Mechanization (PhilMech) ng DA.
Tinutulungan nito ang mga beneficiaries sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga set ng makinarya na gagamitin sa pagpapatuyo at pag-giling ng palay para maging bigas.
Sinabi ni Matias na mayroong catch o downside sa pagbibigay ng RPS sa mga FCA kaya inatasan sila ni NIA Administrator Eduardo Guillen na ibigay ang buong suporta sa mga co-ops.
“Ang bilin ni Administrator Guillen i-provide natin sa kanila ang kaya nating i-provide dahil medyo mabigat ang requirements at ito ang malaking problema ng ating mga magsasaka sa ngayon,” dagdag ng opisyal.
Ang malaking problema ng co-ops ang dalawang requirements para sa RPS–ang pagkakaroon ng tatlong phase-transformer system sa lugar na sakop ng Nueva Ecija Electric Cooperative 2-Area 1 at paunang working capital na P15 milyon para sa co-op.
“Ang solusyon sa problema ng 3-phase power na iyan sa nakikita namin mailapit ito sa PhilMech at ipa-shoulder sa kanila ang gastos ng pagpapakabit ng linya na 3-phase na kuryente dahil sa estimate aabot ito hanggang P14 milyon,” ani Matias.