Calendar
6 na pekeng taga-Maynilad huli sa pagnenok ng telco wires sa manhole
HULI sa akto ng pagpuputol at pagnanakaw ng kable ng telco ang anim na kawatan na nagpanggap na kawani ng Maynilad Huwebes ng madaling araw sa Makati City.
Hindi aakalaing kawatan ang mga suspek na may mga alyas na Jonard, 27, ng Tondo, Manila, Bert, 31, ng Barangay 251, Quezon City, William, 41, ng Tandang Sora, Quezon City, Rio, 30, Noel, 50, kapuwa taga-Tondo, at Arjay, 26, ng Manila South Cemetery, dahil nakasuot sila ng uniporme ng Maynilad at may signage pa ng naturang water utility nang isagawa ang pagnanakaw ng telco wires sa manhole sa bahagi ng Kalayaan Avenue, Brgy. Olympia.
Nadakip ang mga suspek nang magtungo sa lugar ang mga tauhan ni Makati police chief P/Col. Reycon Garduque dakong ala-1:10 ng madaling araw makaraang matanggap ang tawag na may nakaparadang close van sa lugar na nagkakarga ng malalaking kable na hinihila mula sa manhole.
Naaktuhan pa ng mga pulis ang paghila ng kable ng mga kawatan mula sa manhole kaya’t kaagad na inaresto ang lima habang naiwan at tumangging lumabas ng manhole ang isa.
Inabot ng mahigit isang oras ang negosasayon bago nagpasiya ang mga pulis na bumaba na sa manhole para dakpin ang suspek na tumangging lumabas..
Nakuha sa mga suspek ang dalawang bolt cutter, maso, martilyo, dalawang chisel, habang kinumpsika rin ang 96 na metrong kable na may kapal na 4.5 pulgada na kanilang ninenok, pati na ang signage ng Maynilad at gamit nilang close van.

