Suspek

6 na umepal para murder suspek ‘di maaresto arestado rin

Edd Reyes Mar 31, 2026
230 Views

KULONG ang napala ng anim na lumaban at nanakit ng pulis noong Lunes sa Taguig para pigilang maaresto ang suspek sa kasong murder at frustrated murder.

Nagtungo ang mga tauhan ni Taguig police chief P/Col. Julius Anonuevo dakong alas-9:15 ng gabi sa isang resort sa Umali St., Brgy Ligid, Tipas para tikluin si alyas Loloy, 23.

Pero bago pa maisilbi ang warrant of arrest, nanghimasok na ang anim na suspek at sinaktan ang mga pulis kaya’t bukod kay alyas Loloy arestado din ang anim na ang ilan ay kapatid ng akusado.

Sa pahayag ng tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, hindi pwedeng humarang ang sinuman kung may aarestuhin.

Iniutos niyang kasuhan ng obstruction of justice at direct assault ang anim na umepal sa kaso ni Loloy.

Pansamantalang idinetine sa custodial facility ng Warrant and Subpoena Section ng Taguig police ang mga akusado.