Scientist Larawan: The Asian Scientist, UP Diliman, Association of Systematic Biologists of the Philippines, UPLB, and DOST-STII via PNA

6 PH scientists pasok sa 2026 Asia Scientist 100 list

24 Views

Anim na Pilipinong siyentipiko at innovator ang napabilang sa Asia Scientist 100 list para sa 2026, isang prestihiyosong pagkilala sa mga natatanging mananaliksik, akademiko, at lider sa agham mula sa buong Asia-Pacific region.

Kabilang sa mga kinilala sina Romulo Davide at Marcela Navasero ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), Mary Donnabelle Balela at Aurelio De Los Reyes V ng UP Diliman, Garry Benico ng Central Luzon State University, at May Anne Mata ng UP Mindanao.

Si Davide, na itinalagang National Scientist of the Philippines noong 2024, ay kinilala sa kanyang makabagong pananaliksik sa plant pathology at nematology. Kilala bilang “Father of Philippine Nematology,” siya rin ang nagtatag ng Farmer-Scientist Training Program na nakatulong na sa humigit-kumulang 70,000 magsasaka sa bansa.

Samantala, si Navasero ay pinarangalan dahil sa kanyang pamumuno sa larangan ng natural pest control at agricultural biosecurity. Malaki ang naging papel niya sa pagpapatibay ng pangmatagalan at cost-effective na pest management systems para sa seguridad sa pagkain ng bansa.

Kinilala naman si Balela para sa pagbuo ng modular Kapok booms, isang environment-friendly na teknolohiya laban sa oil spills gamit ang biodegradable at lokal na kapok fibers na kayang sumipsip ng langis nang maraming beses sa sariling timbang nito.

Si De Los Reyes ay pinarangalan para sa kanyang mathematical modeling ng optimal contraception dosing strategies na makatutulong sa reproductive health, habang kinilala rin siya bilang National Research Council of the Philippines Achievement Awardee para sa Mathematical Sciences.

Napasama rin sa listahan si Benico, isang eksperto sa aquatic biosciences, dahil sa kanyang pananaliksik sa harmful microalgae at ambag sa red tide monitoring sa bansa.

Samantala, si Mata ay kinilala para sa kanyang mga pag-aaral sa infectious disease modeling, mathematical biology, at operations research na mahalaga sa pagsusuri at pagresponde sa mga banta sa pampublikong kalusugan.

Ang Asia Scientist 100 ay inilunsad noong 2016 upang parangalan ang mga siyentipikong nakapagtamo ng mahahalagang pagkilala o nakagawa ng makabuluhang kontribusyon sa agham, teknolohiya, akademya, at industriya sa rehiyon.