Calendar
6 timbog sa paggawa ng ilegal vape products sa Las Pinas
NALANSAG ng pulisya ang sindikatong sangkot sa paggawa at distribusyon ng ilegal at hindi rehistradong vape products matapos maaresto ang anim na katao Martes ng gabi sa Las Piñas City.
Magkatuwang na isinagawa ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director Randy Arceo at kinatawan ng Department of Trade and Industry–Office for the Special Mandate on Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products ang operasyon dakong alas-11:00 ng gabi sa Manuel Banzon St. BF Resort Village, Brgy, Talon Dos, Las Piñas City na nagresulta sa pagkakadakip kay alyas “Janus” at lima pa niyang kasabuwat.
Sa naturang operasyon, nadiskubre nina P/Lt. Col. Antonio Ananayo, Jr, hepe ng District Special Operations Unit (DSOU) ng SPD sa loob ng sinalakay na bahay ang iang katerbang kahon ng vape products, raw materials, mga galon ng vape liquid at mga makinang gamit sa paggawa ng hindi rehistradong vaporized nicotine at non-nicotine na produkto.
Nasamsam din sa lugar ang mga disposable pods, portable vaping devices, packaging materials, at mga industrial machines na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P1 milyong piso.
Nauna rito’y katuwang din ng DTI-OSMV ang DSOU-SPD sa isinagawang ocular inspection sa isa sa mga establisimiento sa lungsod bilang bahagi ng pagpapatupad ng regulasyon at dito natuklasan ang hindi rehistradong vape products at accessories na aabot sa halagang P.7 milyon.
Nakapiit na ang mga suspek sa custodial facility ng DSOU-SPD habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila habang ang mga nakumpiska sa ginawang ocular inpection ay nasa pangangalaga naman ng DTI-OSMV.

