Vergeiri

63 bagong kaso ng Omicron subvariants naitala ng DOH

182 Views

NADAGDAGAN ng 63 ang bilang ng mga kaso ng Omicron subvariants sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa naturang bilang 50 ang kaso ng BA.5, 11 ang BA.2.12.1, at dalawa ang BA.4.

Nagsasagawa ng imbestigasyon ang DOH upang malaman kung papaano nahawa ang mga bagong kaso at kung sinu-sino ang kanilang mga close contact.

Sa mga bagong kaso ng BA.5, 41 ang nakarekober na, apat ang nasa isolation pa, at ang iba pa ay kinukumpirma pa ng DOH ang kalagayan. Mayroon na ngayong kabuuang 94 kaso ng BA.5 sa bansa.

Sa 11 bagong kaso ng BA.2.12.1 subvariant pito ang taga-Western Visayas at apat ay nanggaling sa ibang bansa. Gumaling na umano ang 10 sa mga kaso at nasa isolation ang isa pa. Mayroon na ngayong 43 kaso ng BA.2.12.1 sa bansa.

Mayroon namang dalawang bagong kaso ng BA.4. Isa ang taga-Western Visayas at ang isa ay returning overseas Filipino. Pareho umanong nakarekober na ang mga ito. Mayroon na ngayong tatlong kaso ng BA.4 sa bansa.