Calendar
Photo source: FB/PRO2
65-anyos suspek sa gahasa ng Grade 5 student huli matapos 1 taong pagtatago
MATAPOS ang halos isang taong pagtatago, naaresto sa Barangay Buag, Bambang, Nueva Vizcaya ang isang 65-anyos na magsasaka at part-time tricycle driver na nakilala sa alyas na “Reymundo,” na wanted sa kasong panggagahasa sa isang Grade 5 student.
Si Reymundo, na kabilang sa Top 10 Regional Most Wanted (Rank No. 8), ay nahuli nitong Lunes, Setyembre 8 sa ikinasang operasyon ng Bambang Police Station at Provincial Intelligence Unit.
Batay sa reklamo ng ina ng biktima noong Agosto 2024, paulit-ulit na inabuso ng akusado ang bata, na 11 taong gulang pa lamang noon. Pinangakuan umano ng pagkain at pera ang biktima upang mapasama sa sementeryo, at ginamit ng akusado ang murang pag-iisip ng bata. Dahil sa takot, hindi agad nakapagsumbong ang menor de edad.
Naaresto ang suspek sa bisa ng warrant na inilabas ng RTC Branch 30 sa Bayombong, kung saan walang inirekomendang piyansa.
Pinuri ni PRO2 Regional Director PBGEN Roy B. Parena ang operasyon at binigyang-diin ang pagpapatuloy ng PNP sa pagtugis sa mga kriminal upang maipagkaloob ang hustisya sa mga kababaihan at kabataan.
“Hindi titigil ang PRO2 sa pagtugis sa mga taong may kasong kinakaharap, lalo na ang sangkot sa pang-aabuso sa kababaihan at kabataan. Hangad ng PRO 2 na maiharap sila sa batas upang mapanagot sa kanilang mga krimen,” saad niya.
—
STORY FROM THIS LINK: https://www.facebook.com/share/p/1F7zxWPoMM/

