Laguna

Laguna nagdiriwang ng Bamboo Day

Gil Aman Sep 9, 2025
301 Views

STA. CRUZ, Laguna–Ipinagdiriwang sa Laguna ang Bamboo Day sa temang “Laguna Bamboo: Growing with Purpose, Rooted in Resilience,” bilang bahagi ng Philippine Bamboo Month.

Pinangasiwaan ng Laguna Province Bamboo Industry Development Council (LPBDC) katuwang ang Department of Science and Technology-Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI) ang Bamboo Day at suportado ni Gob. Sol Aragones.

Mahigit sa 200 kalahok mula sa iba’t-ibang negosyo ng kawayan, mga lokal na pamahalaan, Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF), Department of Environment and Natural Resources (DENR), DOST at mga propesyonal sa industriya ng kawayan ang nagtipon upang itampok ang kahalagahan ng kawayan bilang matibay na haligi ng kabuhayan, kultura, at inobasyon.

Binuksan ang programa sa pamamagitan ng ribbon cutting para sa Bamboo Product Exhibit na nagpapakita ng iba’t-ibang likhang-kamay mula sa Laguna tulad ng mga instrumentong pangmusika, notebooks, calling cards, figurine, sabon, uling at iba pang produktong gawa sa kawayan.

Sinabi ni Gob. Aragones ang mahalagang papel ng kawayan sa pagsusulong ng pangkalikasang pangangalaga, paglago ng ekonomiya at pagpapatatag ng komunidad. Pinuri ng gobernador ang pagtutulungan ng mga lokal at pambansang ahensya upang higit pang paunlarin ang Laguna bilang sentro ng inobasyon sa kawayan.

Nagsilbi ang event bilang paalala sa ambag ng kawayan sa napapanatiling kaunlaran mula sa pangangalaga ng kalikasan hanggang sa pagbibigay ng kabuhayan.