Salonga Hawak ni San Antonio Mayor Arvin Salonga (gitna) at Vice Mayor Julie E. Maxwell (kaliwa) ang plake ng pagkilala kasama ang tatlong konsehal. Kuha ni Steve Gosuico

66 na lingkod-bayan sa San Antonio, NE binigyang-parangal

Steve A. Gosuico Oct 31, 2024
77 Views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija–Binigyang parangal ang 66 na mga lingkod-bayan sa bayang ito noong Lunes sa pagdiriwang ng ika-124 na anibersaryo ng Serbisyo Sibil ng Pilipinas.

May temang “Parangal sa mga Naglingkod sa Bayan” sa “Araw ng Kawani” ang event na ginanap sa Dr. Jose Lapuz Salonga gymnasium.

Kabilang sa mga pinarangalan sina Mayor Arvin Salonga, Vice Mayor Juliet E. Maxwell, Konsehal Renier M. Umali, Christopher CG. Cunanan at Manolito Balcos.

Binigyang pugay din ang mga retirees na sina Vivian Herrera, Antonio Jimenez at George Santiago, ang dating hepe ng municipal environment at natural resources office.

Ayon kay Atty. Hilario C. Ortiz, special assistant to the office of the municipal mayor, ang kaganapan nagsilbing pagkakataon para sa pamahalaang bayan na maipahayag ang pasasalamat sa mga kawani ng pamahalaan.

Bukod sa mga plake ng pagkilala, binigyan din ang mga pinarangalan ng P5,000 financial token bawat isa.

Kabilang sa mga pinuno ng mga tanggapan na nakapagsilbi na ng 10 taon pataas sina municipal budget officer Armando M. Cruz (26 years), municipal engineer Leonor E. Balcos (32 years), municipal planning and development officer Augusto T . Ortiz (29 taon), municipal treasurer Maria Krressida S. Billones (17 years), municipal general services officer Ma. Roma Vida S. David (12 taon) at municipal agriculturist Emil M. Bundoc (11 taon).

Isa sa mga pinarangalan, si Cristina M. Ballesteros, 63, ng Brgy. Maugat, na nakatalaga sa municipal civil registrar office, nagsabing masaya siya at nagpapasalamat kay Mayor Salonga sa pagkilala.

Sabi ni Mayor Salonga: “Ang parangal na ito iginawad sa ating mga kawani dahil sa paglilingkod nila sa taumbayan.

Isa lamang instrumento ang inyong lingkod sa serbisyo publiko kaya hindi po dapat sa akin magpasalamat dahil ang taumbayan po ang nagpapasweldo sa ating mga kawani.”