Calendar

7 sa bawat 10 Pinoy pabor sa pagpapatuloy, pagpapalawak ng AKAP
PITO sa bawat 10 Pilipino ang pabor na ipagpatuloy at palawakin pa ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng gobyerno na mahalaga umano sa mga mahihirap na pamilya, ayon sa Tugon ng Masa (TNM) nationwide survey ng OCTA Research.
Sa isinagawang face-to-face interview sa 1,200 respondents mula Enero 25 hanggang 31, 2025, 69 porsiyento ang nagsabi na sila ay pabor na ipagpatuloy at paramihin pa ang mga benepisyaryo ng AKAP, isang financial aid program ng gobyerno na naglalayong tulungan ang mga pamilyang kinulang ang kita dahil sa problemang dumating.
Ayon sa survey, 79 porsiyento ng mga Pilipino ay alam ang AKAP— 88 porsiyento sa Visayas, 85 porsiyento sa Mindanao at 81 porsiyento sa Metro Manila, na isang indikasyon na malaking bahagi ng populasyon ang nakakaalam nito.
Ang suporta sa pagpapalawig ng AKAP ay suporta ng lahat ng socio-economic classes na naitala sa 69 porsiyento na patunay na kinikilala ang programa anuman ang estado sa buhay.
Sa mga rehiyon, ang Balanse ng Luzon ang nakapatala ng pinakamataas (74 porsiyento) at pinakamababa naman sa Visayas (63 porsiyento).
Pinakamataas naman ang suporta sa AKAP sa mga urban areas (72 porsiyento) at pinakamarami ang mga lalaking pabor sa programa (67 porsiyento).
Sa mga rehiyon, ang MIMAROPA region ang nakapagtala ng pinakamataas na suporta (100 porsiyento), na sinundan ng Cagayan Valley (82 porsiyento) at Central Luzon (85 porsiyento).
Ang pinakamababang suporta naman ay naitala sa Northern Mindanao (49 porsiyento), CARAGA (42 porsiyento) at BARMM (52 porsiyento) marahil dahil sa pagkakaiba ng implementasyon nito.
Ang mataas na suportang nakuha ng AKAP ay maaaring maka-impluwensya sa mga policymaker at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagbibigay ng konsiderasyon sa programa.
Kawalang kaugnayan sa pulitika ang isinagawang OCTA Research survey na mayroong ±3 percent margin of error at 95 porsiyentong confidence level.