Calendar
7 Vietname nat’ls na ginawang prosti para sa POGO operators nasagip
NAILIGTAS ng mga otoridad ang pitong babaing Vietnamese na iniaalok umano sa mga nasa likod ng pagpapatakbo ng ilegal na POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) bilang mga prostitute Martes ng gabi sa Pasay City.
Magkasanib na sinalakay ng puwersa ng Regional Special Operations Group (RSOG), Regional Intelligence Division (RID) ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kasama ang kinatawan ng Pasay City Social Welfare and Development Department, Inter-Agency Council Against Trafficking – Department of Justice (IACAT-DOJ), Women and Children Protection Center (WCPC), Regional Mobile Force Battalion-NCRPO, at Pasay City Police Station ang isang bahay sa Barangay 86 dakong alas-8 ng gabi kung saan inabutan ang mga babaing Vietnamese na biktima ng human trafficking,
Ayon kay NCRPO Director P/MGen. Sidney Hernia, nailigtas ang pitong babaing Vietnamese at nadakip ang Chinese national na si Zhao Xing na siyang nag-aalok sa mga dayuhang biktima bilang gawing parausan sa mga POGO operators.
Sinabi pa ni MGen. Hernia na ang paghahain nila ng kasong paglabag sa R.A. 10364 “Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012,” laban kay Zhao ay kabilang sa kanilang layuning lansagin ang human trafficking, lalu na kung ang mga biktima ay kababaihan at kabataan.
Pinuri at kinilala rin ng NCRPO Director ang matagumpay na pagtutulungan sa pagitan ng kanyang mga tauhan at mga ahensiya ng lokal at pambansang pamahalaan sa ginawang pagliligtas sa mga biktima at pagdakip sa suspek.
Binigyang diin ng opisyal ang patuloy na pangako ng NCRPO na labanan ang human trafficking upang mabigyan ng proteksihon ang mga bata, kababaihan, at mga mahihinang sektor ng lipunan.