Wanted

7 wanted sa rape, sex assault kalaboso

26 Views

KAMPO VICENTE LIM, Calamba City — Nahulog sa kamay ng batas noong Biyernes ang pitong Most Wanted Persons na nahaharap sa iba’t-ibang kasong sekswal sa serye ng manhunt ng Police Regional Office 4A (PRO 4A).

Kabilang sa mga naaresto may mga nakabinbing kaso ng panggagahasa, qualified rape of a minor, rape by sexual assault at statutory acts of lasciviousness, ayon kay PBGen Dominic Baccay, acting director ng PRO 4A.

Isa sa nasakote si alyas Teodolo, no. 6 regional most wanted person, na nahuli bandang alas-5:10 ng hapon sa Sto. Tomas, Batangas.

Nahaharap siya sa pitong kaso ng rape.

Bagsak din sa kulungan sina alyas Ramcel, na naaresto sa Cabuyao, Laguna bandang alas-6:08 ng hapon para sa kasong rape by sexual assault at acts of lasciviousness.

Si alyas Ramil naaresto sa Sorsogon para sa kasong rape, ayon sa report.

Si alyas Herbert nahuli sa Lemery, Batangas para sa kasong rape at acts of lasciviousness kaugnay ng RA 7610 (Child Abuse Law).

Naaresto si alyas Donato sa Santa Fe, Romblon ng Bauan police matapos ang 16 na taong pagtatago.

Si alyas Noe nadakma sa Carmona City, Cavite para sa kasong rape at si alyas Mark sumuko sa Amadeo police sa Cavite para sa kasong qualified rape of a minor.

Nasa kustodiya ng kani-kanilang operating units ang mga suspek para sa documentation.