Drugtest

740 Solid North Transit driver, konduktor nagpa-drug test

Jun I Legaspi May 7, 2025
17 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kaligtasan sa kalsada, isinagawa ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince B. Dizon, ang mandatory drug test sa kabuuang 740 driver at konduktor ng Solid North Transit sa terminal at opisina nito sa Cubao, Quezon City.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, layunin ng hakbang na ito na tiyaking sumusunod ang kompanya sa mga alituntunin ng kaligtasan sa kalsada, kasunod ng malagim na aksidente sa toll plaza ng SCTEX sa Tarlac City noong May 1, kung saan nasangkot ang isa sa kanilang mga bus at nagresulta sa pagkasawi ng 10 katao.

“Malinaw ang utos ni Secretary Vince, kailangang tiyakin na walang sinumang driver o konduktor na gumagamit ng droga ang papayagang magmaneho,” ani Asec. Mendoza.

Ipinaliwanag ni Asec. Mendoza na ang pagtanggi na sumailalim sa drug test ay sapat na dahilan upang aksyunan ng LTO ang kaukulang lisensya, dahil ang pagmamaneho ng pampasaherong sasakyan ay isang pribilehiyo na may kaakibat na pananagutan.

Bahagi ng pananagutang ito, ayon sa kanya, ay ang obligasyon ng pamahalaan na tiyaking mentally at physically prepared ang lahat ng driver ng pampublikong transportasyon, sapagkat buhay ng mga pasahero at ibang motorista ang nakataya.

Tinanggalan na ng lisensya ang driver ng Solid North na sangkot sa malagim na aksidente sa SCTEX matapos itong tumangging sumailalim sa drug test.

Maliban sa mandatory drug testing, sinabi rin ni Asec. Mendoza na lahat ng bus ng Solid North Transit ay isasailalim sa mandatory roadworthiness testing bilang bahagi ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at ng publiko.

“Bagamat patuloy ang ating mga hakbang para sa kaligtasan sa kalsada — mula sa agarang aksyon laban sa mga abusadong driver hanggang sa pinaigting na kampanya para sa road safety — ang mga nagdaang insidente ng aksidente ay nagpapakita ng pangangailangan para sa mas konkretong mga hakbang,” ani Asec. Mendoza.

“Nauunawaan natin ang mga pangamba ng ating mga kababayan ukol dito, kaya’t ang malawakang drug testing at inspeksyon ng mga bus ng Solid North ay ipatutupad rin sa iba pang kompanya at operator sa buong bansa,” dagdag niya.

Ayon kay Asec. Mendoza, inatasan na niya ang lahat ng Regional Directors ng LTO na makipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang isagawa ang mga surprise, random, at mandatory drug testing para sa lahat ng driver ng pampublikong sasakyan — mula sa motorcycle taxi hanggang sa mga bus at truck.