DOTr

8 bus terminal sa Cubao ininspeksyon para sa inaasahang pagdagsa ng pasahero sa Undas

Jun I Legaspi Oct 19, 2025
346 Views

SINIMULAN mag-inspeksyon ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez Sabado (October 18,2025) sa walong bus terminal sa Cubao, upang masiguro ang kahandaan ng bawat terminal sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa darating na Undas.

Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siguraduhing ligtas at komportable sa byahe ang mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya.

Sinita ni Acting Secretary Lopez ang ilang bus company na inisyuhan ng notice noong Hulyo na hindi pa rin compliant sa terminal at road safety standards gaya ng Jam Liner na may isang bus unit na bibiyahe kahit naka-kalbo na ang gulong; DLTB Bus Co. na paso ang business permit; at Dagupan Bus Co. Inc. na siyang namamahala sa Solid North Transit na nakitaang walang tamang pasilidad para sa mga pasahero.

Nakitaan din ng paglabag ang Super Lines Bus Co. na walang maayos na terminal at upuan para sa mga pasahero.

“Hindi dapat panay kabig, kailangan may sukli sa pasahero. Pare-pareho lang namang nagbabayad ang mga pasahero. Otherwise, it’s unfair to them na nasho-short change sila,” ani Acting Secretary Lopez.

Maayos naman ang nakita ni Acting Secretary Lopez sa pag-aasikaso sa mga pasahero ng Victory Liner, Inc., Viron Transit at Alps Bus Co.

Tulad ng ginagawa ng Victory Liner kung saan naglagay sila ng stepper para ginhawang maka-akyat sa bus lalong-lalo na ang mga senior citizens at people with disabilities (PWDs).

Inatasan na rin ang ibang mga bus na tularan ito at maglagay ng mga stepper.

Ani Acting Secretary Lopez, dapat nasusunod ang tamang standards sa lahat ng bus terminal. Magkaroon ng maayos na upuan, ventilation para sa mga pasahero lalo na ang mga senior citizens, PWD at mga buntis, tamang palikuran kabilang na ang all gender restrooms at lahat ay makaka-gamit, komportableng rest area para sa mga driver, at maayos na diaper changing area at lactation room para sa mga Nanay.

Samantala, ipinag-utos naman ni Acting Secretary Lopez sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na patawan ng parusa ang mga bus company na hindi sumusunod sa tamang terminal standards.