Calendar
SOURCE: https://m.facebook.com/story.php?story_fbid=pfbid0GH2WePSPtURPys38zLD8stoFhfByabGfLKmKCQtH3xdX5sXFpwj2ttb1Evhxmryhl&id=61553704987869&mibextid=wwXIfr
QC SK Federation, nagpaliwanag sa Madrid trip 24 officials
Naglabas ng opisyal na pahayag ang Sangguniang Kabataan (SK) Federation of Quezon City kaugnay ng mga batikos sa kanilang benchmarking program sa Madrid, Spain, at tiniyak na may konkretong benepisyo sa mga barangay ang naturang biyahe.
Ayon sa pahayag, ang 24 na delegado ay pinili mula sa mga SK council na kinilala bilang awardees ng Seal of Good Youth Governance noong 2024 at 2025. Kabilang umano sa mga napiling lider ang mga nakatanggap ng pambansa at internasyonal na pagkilala dahil sa kanilang mga programa sa edukasyon, kalusugan, kabuhayan at pakikilahok ng mamamayan.
Isinagawa ang programa sa pakikipagtulungan sa Washington Global Institute at Department of the Interior and Local Government-Quezon City. Layunin nitong pag-aralan ang mga modelo ng pamamahala sa Europe, partikular sa youth representation, transparency, digital skills at evidence-based public service.
Kabilang sa mga binisita ng delegasyon ang Madrid City Council, Asamblea de Madrid, Spain’s Youth Institute at Fundación Telefónica. Nagkaroon din sila ng talakayan tungkol sa digital citizen participation platform na Decide Madrid.
Binigyang-diin ng SK Federation na tungkulin nilang ibalik sa lahat ng 142 SK council sa Quezon City ang mga natutunan sa programa sa pamamagitan ng pagsasanay, konkretong polisiya at mas maayos na serbisyo sa mga barangay.
Kinilala rin nila ang karapatan ng publiko na kuwestiyunin kung paano ginagamit ang pondo ng lungsod at nangakong patutunayan ang halaga ng programa sa pamamagitan ng mga konkretong resulta. Anila, hindi sapat ang mga paliwanag at dokumentasyon kung hindi maisasalin ang mga natutunan sa serbisyong pakikinabangan ng kabataan at mga residente.
Larawan: SK Federation of Quezon City/FB
