Pugante

Pugante, 58, ginawang alipin sa s*x nene, huli

Edd Reyes Nov 29, 2026
1 Views

TIMBOG ang 58-anyos na pugante na paulit-ulit na humalay sa isang nene nang matunton sa kanyang tinutuluyang lugar Sabado ng gabi sa Taguig City.

Hindi na nakapalag si alyas “Kanor” nang isilbi sa kanya ng mga tauhan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Regional Director P/BGen. Christopher Abrahano ang warrant of arrest dakong alas-6:00 ng gabi sa Barangay East Rembo, sa naturang lungsod.

Nagsimulang magtago at hindi na matunton sa kanyang bahay sa San Mateo, Rizal ang akusado matapos maglabas ng warrant of arrest noong Pebrero 21, 2024 ang Makati City Regional Trial Court (RTC) laban sa kanya para sa anim na bilang ng kasong Statutory Rape ng walang inirekomendang piyansa.

Nang makatanggap ng impormasyon ang NCRPO na madalas mamataan ang akusado sa Taguig City, kaagad nilang pinaigting ang paniniktik hanggang tuluyang makumpirma ang kanyang kinaroroonan na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

“Sexual crimes against children demand the full force of the law. Let this be a warning to those who exploit their innocence: neither time nor concealment will place you beyond its reach. We will exhaust every lawful means to bring those wanted for such offenses before the courts,” pahayag ni BGen. Abrahano.

Pansamantalang naka-detine sa Custodial Facility ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) ng NCRPO ang akusado habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Makati City Jail.