Bus

Bus na nag-counterflow sa QC inisyuhan ng SCO

Jun I Legaspi Nov 27, 2026
42 Views

INATASAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng gabay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang bus operator na magpaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang prangkisa nito matapos mag-counterflow ang unit nito sa Quezon City.

Ayon kay acting LTFRB Chairman Atty. Greg Pua Jr., ang pagpapalabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa Pascual Liner Inc. ay batay sa kumalat na video na nagpapakita ng umano’y paglabag sa mga patakaran sa kaligtasan sa kalsada at trapiko.

Makikitang umabante ang pampasaherong bus (NAF 5438) sa gitna ng trapiko sa pamamagitan ng paggamit sa kabilang linya ng kalsada kahit may mga kasalubong na sasakyan.

Napilitang umiwas ang isang sasakyan upang makadaan ang bus, habang nanatili naman sa sariling linya ang isa pang motorista upang mapilitang bumalik ang bus sa tamang linya.

“Hindi dapat maging dahilan ang trapiko upang labagin ang mga batas at regulasyon sa kalsada at mangbully ng kapwa motorista at iba pang gumagamit ng daan,” ani Pua.

Sa SCO, inaatasan ang kumpanya na magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang kanilang Certificate of Public Convenience (CPC) kaugnay ng insidenteng kinasangkutan ng kanilang drayber.

Ang sangkot na bus ay bumibiyahe sa rutang Fairview-North EDSA.

Binigyang-diin ni Pua na malinaw na paglabag sa umiiral na mga alituntunin ang naturang insidente at nagdulot ito ng panganib sa kaligtasan ng ibang motorista at mga gumagamit ng kalsada dahil maaari itong humantong sa mga aksidente.

Inatasan din ang kumpanya na ipaliwanag kung bakit hindi ito dapat mapatawan ng kaukulang parusa dahil sa pag-eempleyo ng umano’y pabaya at mapanganib na drayber. Ang paglalabas ng SCO ay bahagi ng proseso ng pagbibigay ng nararapat na due process.

Nakatakda ang pagdinig sa Disyembre 9, at nagbabala ang LTFRB sa posibleng mga legal na kahihinatnan sakaling hindi tumugon ang kumpanya sa ipinadalang kautusan.