Kulong

Himas-boga nauwi sa himas-selda

Edd Reyes Nov 26, 2026
70 Views

HIMAS-REHAS ang 21-anyos na kelot nang mahuli sa aktong hinihimas-himas ang hawak na baril Huwebes ng madaling araw sa Caloocan City.

Huli na nang mapansin ni alyas “Ome” ang mga pulis na nasa kanya na palang harapan kayat hindi na niya naitago ang hawak na kalibre .22 revolver na kargado ng dalawang bala sa isang eskinita malapit sa Child Jesus Compound, Phase 4, Package 4, Barangay 176, Bagong Silang dakong ala-1:30 ng madaling araw.

Nang tanungin ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang suspek sa papeles na magpapatunay na lehitimo ang pagdadala niya ng baril, wala siyang maipakita kayat binitbit siya ng mga pulis patungo sa presinto.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang mga tauhan ng Caloocan City Police sa kanilang pagpapatrulya sa madaling araw na layong masawata ang anumang uri ng krimen sa lansangan.

Mahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.