SK

8 nakatakas, 3 tiklo sa nenokan sa Valenzuela

Edd Reyes Feb 24, 2026
172 Views

TATLONG armadong kawatan, kabilang ang isang Sanggunian Kabataan chairman, na nanloob sa babaeng Chinese noong Linggo at hinarbat ang hindi bababa sa P600,000 na pera at valuables ang naaresto sa Makati City kamakailan.

Hindi pa nahuhuli ang walo na kasabwat sa krimen. Unang naaresto sina alyas John Clement, 42; at Joey, 40, at sumunod ang SK Chairman na si Jeffrey sa Villanueva St., Brgy. 55, Pasay City.

Walo pang kasabwat ng mga suspek ang tinutugis ng pulisya.

Sa tinanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, dakong alas-3:00 ng madaling araw ng pasukin ng mga kawatan ang gusali ng Hans Language Center Inc. sa Baler St. Brgy. Valenzuela.

Kasabwat sa krimen ang isang babaeng empleyado na siya umanong nagbukas ng gate.

Umakyat sa ika-5 palapag kung saan nakatira ang biktimang si alyas Duojia, 42, na may-ari ng language center.

Puwersahang sinira ng mga kawatan ang door knob ng pintuan at nang makapasok iginapos ang kamay at paa ng biktima gamit ang cable tie, binusalan at tinapalan ng tape ang bibig bago manghalughog.

Natangay ng mga kawatan ang dalawang mamahaling cellphone, Lui Vuitton bag, laptop, P20,000 cash at ang vault na naglalaman ng P400,000 cash, Cartier watch na nagkakahalaga ng P200,000 at mga importanteng dokumento.

Nagtakbuhan paakyat ng gusali ang mga suspek kaya’t humingi na ng back-up ang mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip kina alyas Joey nang tumalon mula sa ika-limang palapag habang sa kabilang bahagi ng gusali naman tumalon si alyas John Clement kung saan siya nasukol ng pulisya.

Nakuha kay alyas Joey ang isang kalibre .45 pistola na may magazine na kargado ng tatlong bala, isang MK2 hand grenade, at dalawang cellphone at iba’t ibang mamahaling damit at sapatos na pag-aari ng biktima.

Nakumpiska naman kay alyas John Clement ang kalibre .38 revolver na kargado ng anim na bala at iba’t ibang uri ng damit at sapatos habang nakuha sa bubong ng gusali ang isang kalibre 9mm pistol, isang kalibre .22 na paltik, backpack na naglalaman ng laptop at iba’t-ibang currency notes na kinulimbat sa biktima.