Suspek

Bgy tanod ini-report nadiskubreng bangkay, nabisto sa CCTV, arestado

Edd Reyes Feb 25, 2026
159 Views

INARESTO ng pulisya ang barangay tanod na unang nag-report sa pulisya sa nakita niyang bangkay ng lalaking nakahandusay sa loob ng kanilang compound noong Lunes ng madaling araw sa Valenzuela City, matapos mabistong siya ang may kagagawan ng pagpatay.

Hindi na nakapalag ang 47-anyos na suspek na si alyas “Lloyd” na residente ng Brgy. Bagbaguin, nang posasan siya ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento gabi ng Martes. Nangyari ang pag-aresto matapos makita sa kuha ng CCTV sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang pagpasok ng biktima na sinundan ilang minuto lang ng suspek, bago lumabas nang nag-iisa na lamang.

Bukod dito, sinabi ni P/Cpt. Robin Santos, hepe ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), na natunton nila ang ginamit na armas sa krimen na isang kalibre .45 pistola na kargado pa ng limang bala mula sa testigong pinag-iwanan ng baril ng suspek matapos ang pamamaslang.

Nakilala rin ng pulisya ang biktima na si alyas “Paul” na 32-anyos at taga-Brgy. Ugong, matapos tumugma ang kanyang pigura at tattoo sa leeg sa larawang nasa electronic database na e-Rogue Gallery System ng Philippine National Police.

Base sa database, ang biktima ay may mga kasong theft noong 2017, paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act noong 2018, at illegal gambling at alarm and scandal noong 2024.

Kalaunan ay inamin ng suspek na siya ang nakabaril sa biktima matapos mahuli niyang ninanakaw ang kanyang mga panabong na manok sa loob ng kanilang compound.