Calendar
80-anyos na lola binalutan ng plastic ang ulo, patay
Patay nang matagpuan ang 80-anyos na lolang binalutan ng plastic bag ang bahagi ng kanyang ulo noong Lunes ng madaling araw sa loob ng kanyang tindahan sa Barangay Prinza, Calauan, Laguna.
Ang biktima na kinilala ng pulisya ng Calauan na si alias “Felicidad” ay may-ari ng isang sari-sari store.
Hinihinala ng pulisya na pinatay ito sa pamamagitan ng plastic bag na ibinalot sa kanyang ulo hanggang sa mawalan ng hininga.
Ayon sa pulisya, ang hindi kilalang suspek sa pagpatay sa matanda ay diumano’y magnanakaw na pumasok sa bahay ng biktima.
Natuklasan lamang ang wala ng buhay na biktima ng isa sa mga kapitbahay nang bibili sa tindahan dakong alas-6 ng umaga.
Ayon sa salaysay ng kapitbahay, nagtataka umano ito kung bakit sarado pa ang tindahan gayong maaga naman itong nagbubukas sa madaling araw.
Dahil sa walang sumasagot sa kanyang tawag, ipinagbigay alam ang pangyayari sa pulisya at dito na inusisa ang loob ng bahay hanggang sa tumambad ang katawan ng matanda na nakahandusay sa loob ng sala.
Hinihinala ng pulisya na pinatay ang matanda sa pamamagitan ng pagsasaklob ng plastic bag sa kanyang ulo upang hindi makalikha ng ingay.
Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng pulisya nitong Martes, upang makilala ang suspek sa pamamagitan ng CCTV footages.

