Tulfo

Ilang senador payag na isoli ang pera ng taumbayan

423 Views

NAGKAROON ng mainitang palitan ng salita sa muling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project, nang magbangayan sina Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson at Senador Rodante Marcoleta.

Ilang minuto pa lamang matapos magsimula ang sesyon, kinuwestiyon ni Marcoleta ang pagiging patas ni Lacson, binanggit ang isang panayam sa media kung saan umano’y mas pinaboran nito ang dating DPWH engineer na si Brice Hernandez kaysa sa mga kontratistang sina Pacifico “Curlee” Discaya at Sarah Discaya bilang mas karapat-dapat na state witnesses.

“Foremost to my mind is the integrity, impartiality, and objectivity of the proceedings,” ani Marcoleta. Tinanong pa niya, “Does the chairman have the prerogative or the right to make judgment?”

Mabilis na tumugon si Lacson: “That’s my personal opinion outside this hall.

“Don’t question my opinion. Away kaagad tayo dito. Are you trying to steal the show this morning to prevent the proceedings? Why are you so protective of the Discayas?,” ani Lacson.

Sagot ni Marcoleta: “I am not protecting them.”

Lalong uminit ang usapan nang balaan ni Marcoleta si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ukol sa posibleng disbarment sa umano’y pagre-require ng restitution bago pa man tanggapin bilang saksi sa Witness Protection Program.

Ani Marcoleta: “Papaano mo sasabihin na magre-restitute ang isang tao, meron na bang findings magkano ang ire-restitute? Nag-a-apply pa lang e. Huwag ninyong babaguhin ang requisite ng batas. Pwede kang ma disbar dahil iyan ay batas.”

Iginiit naman ni Remulla: “We are operating from the reason behind the law—justice can only be attained if there is restitution. This is a crime against the financial status of the Filipino people.

The more assets we preserve early, the better. If they (Discayas) applied for witness protection, we will give them security. They are under evaluation.” Dagdag pa niya: “Proceed with what you wish for disbarment.”

Binigyang-diin ni Senador Bam Aquino ang kahalagahan ng pagbabalik ng pondo ng bayan: “Dapat isoli nila di ba?”

Sinang-ayunan ito ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan: “Pagbabalik is a sign of good will. It should be voluntary. Kung totoong full good faith. Accounts and amounts.”

Ipinunto rin niya na walang batas na pumipigil sa mga akusado na boluntaryong magsauli ng pera o mga luxury vehicle, gaya ng ginawa ni Hernandez na isinuko ang mga sasakyan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Mariin namang tinutulan ng magkapatid na Tulfo ang labis na legalistikong diskusyon.

“Dapat sundin natin ang kagustuhan ng taumbayan na isoli ang pera,” giit ni Senador Raffy Tulfo.

Dagdag ni Senador Erwin Tulfo, na halatang naiinis: “Ibalik ang pera ng taumbayan. Hindi batas ang pinag uusapan dito dahil mas mataas ang kapakanan ng taumbayan sa batas na yan.”

Sumunod na tumestigo si dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara.

Ipinahayag niyang ang mga alokasyon para sa flood control projects ay pinutulan ng 20–25% na dumaan umano sa mga middleman, kung saan si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ang kaniyang pangunahing kontak.

Tinukoy niya sina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva, Ako Bicol Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, at dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., bukod pa sa iba, na umano’y sangkot sa mga kahina-hinalang alokasyon. Idinagdag pa niya sina dating Rep. Mitch Cajayon-Uy at Cong. Lipana bilang mga kasangkot din.

Ayon kay Alcantara, sinabi ni Bernardo sa kanya na P300 milyon mula sa 2024 budget insertions ay “para kay Senator Bong Revilla,” at ito ay umano’y kaugnay ng pagtakbo ni Revilla sa Senado sa 2025. Nilinaw ni Alcantara: “Yun po ay ayon kay Usec. Bernardo. Never ko pong nakausap si Senator Bong Revilla, never po.”

Inamin din niyang siya ang naghanda ng listahan ng mga proyekto na konektado kina Senators Villanueva at Estrada sa utos ni Bernardo, at iginiit na umabot ng P355 milyon ang alokasyon ni Estrada para sa flood gates at pumping stations. Ayon pa kay Alcantara, nakatanggap umano si Revilla ng 30% mula sa tatlong proyekto sa Bulacan, habang ang mga insertion ni Rep. Co mula 2022 hanggang 2025 ay umabot sa bilyon.

Ikinuwento rin niya na naghatid siya ng cash sa bahay ni Co sa Valle Verde, Quezon City, at nakipag-ugnayan sa mga tauhan nito na sina “Paul at Mark,” na gumagamit ng disappearing messages.

Binanggit din niya ang isang viral na litrato noong 2022 kung saan makikitang nasa tabi si Co ng mga tambak na pera.

Ayon pa kay Alcantara, mahigit 15 kontrata ang napunta umano sa mga paboritong kontratista, kabilang ang mga Discaya, kung saan ang ilan ay tinawag niyang “ghost” o depektibo.

Sa cross-examination, inilahad ni Alcantara na nakilala niya si Bernardo sa Laguna noong panahon ni dating DPWH Secretary Mark Villar. Aniya: “5 to 15% ang hinihingi ni Usec. Bernardo at siya ang nagdadala sa mga proponent.”

Mariing itinanggi ng mga mambabatas na pinangalanan sa affidavit ni Alcantara ang anumang pagkakasangkot. Nauna nang naglabas ng tahasang pagtanggi si Rep. Co at nagpahayag na siya ay magbibigay ng pahayag “in due time” kapag may malinaw nang detalye.

Sinang-ayunan ni Engineer Brice Hernandez ang salaysay ni Alcantara. Sa pagtatanong ni Senador Bam Aquino, kinatigan ni Hernandez ang mga pahayag ni Alcantara: “lahat po” ay tama, at idinagdag pa niyang lahat ng infrastructure projects sa Bulacan mula 2019 hanggang 2025—kabilang ang mga paaralan, ospital, tulay, at kalsada—ay depektibo. “Lahat po, your Honor ay tama pero kulang pa,” aniya, at ipinaliwanag na ang pondo ay hinati-hati, dahilan upang mapilitan ang mga kontratista na isakripisyo ang kalidad. Maging ang streetlights umano ay overpriced.

Ipinunto ni Aquino ang epekto: “So kung naka-sampung kontrata ako, pwede itong umabot ng bilyon ang multa.”

Kinumpirma ng Philippine Competition Commission na iniimbestigahan nila ang bid-rigging at maaaring magpataw ng multa hanggang ₱110 milyon kada insidente, na maaaring umabot sa ₱250 milyon para sa mga umuulit na paglabag.

Samantala, sinamahan ni Justice Secretary Remulla si Alcantara sa DOJ upang patotohanan ang kanyang affidavit at suriin ang pagiging kuwalipikado nito para sa witness protection. Aniya: “If the evidence holds, we can move immediately.”

Dagdag pa ni Remulla, na sinipi si Pangulong Marcos Jr.: “The higher the evidence, the better. Walang sasantuhin at walang sisinuhin.”

Sa kabilang banda, iniulat ng Independent Commission for Infrastructure ang umano’y pamemeke ng dokumento sa isang opisina ng DPWH, dahilan upang magsuspinde ng ilang tauhan at maglabas ng utos sa buong bansa na seguruhin ang mga project record.

Ipinunto rin ni Senador Marcoleta ang umano’y artikulo ni kolumnistang Mon Tulfo kung saan sinabing may isang mambabatas na humingi ng ₱120 milyon mula sa mga Discaya kapalit ng pagsama sa Witness Protection Program, bagay na mariing itinanggi ng mag-asawa.

Sa pagtatanong ni Marcoleta kay Engr. Hernandez, binanggit din ang iba pang pangalan ng mga kongresista na sina Cong. Boy Cruz, Pancho, at Danny Domingo—na umano’y humihingi rin ng “cuts” mula sa mga proyekto ng DPWH.

Binigyang-diin ni Lacson na ang magiging konklusyon ng komite ay ibabatay lamang sa mga ebidensya.