DPWH

Bidding sa mga proyekto ng DPWH ‘pre-arranged, pre-sold’

331 Views

ANG government contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya ang nagbunyag ng umano’y matagal nang umiiral at sistematikong sabwatan at katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH), na kinasasangkutan ng ilang mambabatas, district engineers at mga kasapi ng Bids and Awards Committee (BAC).

Sa kanyang testimonya sa harap ng Senate Blue Ribbon Committee, inilahad ni Discaya, may-ari ng St. Gerrard Construction, na ang mga proyektong may kaugnayan sa flood control at imprastraktura ay karaniwang “pre-arranged and pre-sold” na sa mga paboritong kontratista, bago pa man opisyal na magsimula ang proseso ng bidding.

“Sa umpisa pa lamang ay rigged na ang bidding dahil hindi pa nagsisimula ang bidding ay may nakabili na ng proyekto,” pahayag ni Discaya sa ilalim ng panunumpa.

Idinetalye niya kung paano gumagana ang sistema: diumano’y nagsisilbing broker o “taker” ang ilang mambabatas ng mga proyektong inilaan sa pamamagitan ng General Appropriations Act (GAA), at kumokolekta sila ng malaking porsiyento mula sa kabuuang halaga ng proyekto.

Isinasagawa naman ng mga opisyal ng BAC ang umano’y huwad na bidding upang matiyak na mananalo ang napiling kontratista na alinsunod sa kasunduan ng mga pulitiko.

Ang mga natatalong bidder, na kalahok lamang upang magmukhang may kompetisyon, ay tinatayaan na binibigyan ng 1 hanggang 3 porsiyento ng halaga ng kontrata bilang pabuya.

“Sometimes they will ask you, ‘What is this? Fight or get along or give money?” ani Discaya, na inilarawan ang pressure na dinaranas ng mga kontratistang tumatangging makiisa sa sistema.

Ang mga kontratistang hindi nakikisali umano ay dinidiskwalipika, ginagawan ng kaso o inilalagay sa blacklist.

Inilahad din na sa maraming pagkakataon, gumagamit ng rented licenses o dummies ang ilang kumpanya upang makasunod sa procurement requirements.

Binigyang-diin ni Discaya na ang sistemang ito ay tumawid sa iba’t ibang administrasyon at lalo pang lumala sa paglipas ng panahon.

“During PNoy’s time, mga 10 percent. During Duterte’s time, 12 to 15 percent. Ngayon, 25 to 30 percent na po,” aniya, na tumutukoy sa umano’y porsiyentong kinukuha ng mga opisyal sa bawat administrasyon.

Ayon sa mga miyembro ng Senate panel, kasalukuyan nilang sinusundan ang mga lead mula sa pahayag ni Discaya, kabilang ang pagpapatawag ng mga opisyal ng BAC, mga engineer ng DPWH at ilang kinatawan mula sa mga bangko upang masuri ang posibleng kickbacks.

Kasalukuyan ding nirerepaso ang mga dokumento ng proyekto at mga rekord sa pananalapi na may kaugnayan kina Discaya at iba pang kontratistang nabanggit sa mga nakaraang pagdinig.

Ang kumpanyang St. Gerrard Construction na pagmamay-ari ni Discaya ay nakatanggap ng maraming kontrata mula sa gobyerno para sa imprastraktura sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nauna na niyang inamin na nagbayad siya ng suhol sa mga district engineer sa Quezon City 3rd District, kung saan pinagdududahan ang P17 bilyong halaga ng mga proyekto para sa flood mitigation dahil sa kawalan ng implementasyon at pagkakaulit.

Tatlong district engineers ang pinangalanan.

Ipinabatid ng mga imbestigador sa Senado na magkakaroon ng hiwalay na sesyon para sa mga proyektong nakapaloob sa Quezon City cluster, at inaasahang mas marami pang kontratista at opisyal ng gobyerno ang ipatatawag habang lumalawak ang imbestigasyon.