Sunog Source: NMFPU-Navotas Midtown Fire Prevention Unit

80 nawalan ng tirahan, 2 sugatan sa sunog sa Malabon

Edd Reyes Feb 10, 2026
493 Views

UMABOT sa 80-pamilya ang nawalan ng tirahan nang maabo ang mahigi 60-kabahayan sa malaking sunog na sumiklab Martes ng madaling araw sa Malabon City.

Dalawa ang sugatan, kabilang ang fire volunteer na si Xander Babiano na natusok ng pako sa kanang paa at residenteng si Patrick Calvo na nagtamo ng malalim na gasgas sa kaliwang tuhod,

Sa ulat ni F/Sup. Errick Derro ng Malabon Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog alas-3:12 ng madaling araw sa ikatlong palapag ng isang bahay sa 83 Mabolo St. Brgy. Maysilo na kaagad itinaas sa ikalawang alarma dakong alas-3:33.

Aminado ang mga nagrespondeng bumbero na hirap silang pasukin ang looban dahil sa sobrang kitid ng eskinitang papasok sa looban kaya’t nagbutas sila ng pader upang maapula ang apoy.

Inamin umano ng nakatira sa pinagmulan ng sunog na wala silang kuntador at jumper lang ang gamit nila para magkaroon ng supply ng kuryente kaya’t dito nakatuon ang arson investigator sa posibleng pinagmulan ng apoy.

Hindi pa batid ang halaga ng mga ari-ariang natupok ng apoy na idineklarang under control dakong alas-4:24 bago tuluyang naapula ng alas-4:59 ng madaling araw

Kaagad namang iniutos ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang pagpapadala ng mainit na pagkain modular tents, water station, at iba pang mga pangunahing pangangailangan ng mga apekdatong pamilya na pansamanta munang nanunuluyan sa Malabon Evacuation Center, Senior Citizen Hall at Burulan sa Brgy. Santolan.