Patay Sinisiyasat ng imbestigador ang bangkay ng biktima ng pananaksak. Mga kuha ni JON-JON C. REYES

15-anyos pinagtanggol gf sa pambabastos, pinatay sa saksak!

Jon-jon Reyes Feb 10, 2026
580 Views

Patay1Patay2Patay3HINDI na umabot nang buhay sa ospital ang 15-anyos na lalaki at Grade 10 student makaraang saksakin ng anim na beses ng kanyang nakaaway na kapuwa estudyante.

Ang biktima at suspek ay nagpang-abot Lunes ng hapon sa may Block 5 Extension, Barangay 649, Baseco Compound, Port Area, Manila.

Nakilala ang biktima na si alyas “JC” na naninirahan sa Road 13, Habitat, Baseco Compound, Port Area.

Nasa kustodiya na ang 16-anyos na lalaking suspek na Grade 10 student din at nakatira sa may Baseco Compound sa Port Area.

Ayon sa report ni Police Major Dave Garcia, hepe ng Homicide Section ng Manila Police District, bandang alas-6:45 ng hapon nang mangyari ang krimen.

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon na ang biktima, kasama ang mga saksi na sina alyas “Adrian” na 16-anyos, “Aldrich” na 17-anyos at “Iverson,” mga estudyante, ay kararating lamang mula sa President Corazon Aquino National High School.

Habang papalabas sila ng school premises, nakita nila ang suspek. Nagkasuntukan ang suspek at biktima.

Biglang bumunot ng folding knife ang suspek at paulit-ulit na sinaksak ang biktima. Matapos ang pambubuno at pananaksak sa biktima ay mabilis na tumakas ang suspek.

Nakapaglakad pa ang biktima ng ilang metro bago bigla na lang itong sumubsob at humandusay sa kalsada.

Isinugod ang biktima sa Gat Andres Bonifacio Medical Center kung saan dineklara itong patay dakong alas-7:17 ng gabi ng attending physician.

Lumalabas sa karagdagang imbestigasyon na bago ang insidente, ang suspek at biktima ay nagkaroon ng mainit na alitan matapos umanong bastusin ng suspek ang nobya ng biktima.

Agad nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakatimbog sa suspek.

Narekober ang isang kutsilyo na pinaniniwalaang ginamit ng suspek mula sa basurahan sa kanilang bahay.

Labis naman ang paghihinagpis ng ina ng biktima dahil sa ginawang pamamasalang ng suspek.

Humingi rin ng tawad ang ina ng suspek sa ginawa ng kanyang anak.

Nanawagan naman ang ina ng biktima sa mga kasangkot at nagpahiram ng patalim na nagresulta sa agarang pagkamatay ng kanyang anak.