Calendar
BF dinampot sa sex kotong sa gf
INARESTO ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang lalaki matapos ireklamo ng kanyang nobya dahil sa umano’y pamba-blackmail gamit ang hubad na larawan at video ng biktima.
Kinilala ang suspek na si alyas “Jomar,” 26, residente ng Brgy. Capri, Novaliches, Quezon City.
Si Jomar ay naaresto sa ikinasang entrapment operation ng Novaliches Police Station (PS 4) sa pamumuno ni PLTCOL Michael John Villanueva, sa ilalim ng direktiba ni QCPD District Director PBGEN Randy Glenn Silvio.
Batay sa ulat, Pebrero 2, 2026 nang magtungo sa PS 4 ang biktima at ireport na tinatakot siya ng kanyang nobyo na ikakalat ang kanyang nude photos at videos kapag hindi siya nagbigay ng ₱20,000. Dahil sa takot, napilitan ang biktima na ibigay ang pera.
Ngunit muli pang humingi ng karagdagang halaga ang suspek kaya humingi na ng tulong ang biktima sa pulisya noong Pebrero 9, 2026, bandang 10:55 ng umaga.
Agad nagsagawa ng entrapment operation ang mga pulis sa harap ng SM Novaliches, Brgy. San Bartolome, kung saan nagkita ang biktima at suspek. Bandang 1:15 ng hapon, tinangka pang tumakas at manlaban ng suspek ngunit agad siyang nasakote.
Narekober mula sa suspek ang isang tunay na ₱1,000 bill, 19 piraso ng boodle money, isang Honda ADV motorcycle, isang remote key, at isang cellphone.
Lumabas sa imbestigasyon na halos tatlong buwan nang may relasyon ang biktima at suspek.
Mahaharap ang suspek sa mga kasong Robbery Extortion, paglabag sa R.A. 9262 (Anti-VAWC), at Article 151 (Resistance and Disobedience to Person in Authority) sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Pinuri ni PBGEN Silvio ang mabilis na aksyon ng mga pulis at pinaalalahanan ang publiko:
“Ito ay paalala na huwag matakot magsumbong. Ang QCPD ay laging handang tumulong upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan, lalo na ng kababaihan at kabataan.”

