LTFRB

8,750 TNVS slots sa NCR, Ilocos, Bicol binuksan ng LTFRB

Jun I Legaspi Sep 6, 2026
13 Views

INAPRUBAHAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang pagbubukas ng 8,750 slots para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) sa Metro Manila, Ilocos at Bicol.

Pinakamalaki ang alokasyon sa Metro Manila na may 7,500 slots dahil sa malaking demand na dulot ng pagdami ng turista sa National Capital Region, ayon sa LTFRB.

Sa Ilocos, 650 slots ang binuksan at kalahati ay nakalaan para sa electric vehicles. Sa Ilocos Norte, Ilocos Sur at La Union, tig-150 slots ang inilaan habang 200 slots ang inilaan sa Pangasinan.

Sa Bicol, 600 slots ang inaprubahan at kalahati ay nakalaan para sa electric vehicles.

Binigyang-diin ni acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua Jr. na ang 7,500 slots sa Metro Manila ay eksklusibo para sa electric vehicles, plug-in hybrid electric vehicles (PHEVs) at battery electric vehicles (BEVs).

Alinsunod sa LTFRB Memorandum Circular 2026-084, hindi kwalipikado ang conventional internal combustion engine (ICE) vehicles, hybrid electric vehicles (HEVs) na hindi PHEV, at iba pang vehicle technologies na hindi pasok sa BEV o PHEV classification.

Naaayon ang hakbang na ito sa direksyon ng pambansang pamahalaan tungo sa makabago at environment-friendly na pampublikong transportasyon, ayon sa LTFRB.

Tinitiyak ng LTFRB na isinasaalang-alang ang layunin ng pamahalaan na isulong ang paggamit ng electric vehicles sa pampublikong transportasyon.

Ibinatay ang pagbubukas ng mga slots sa monitoring ng transportasyon na nagpapakitang hindi sapat ang kasalukuyang TNVS allocation upang matugunan ang patuloy na pagdami ng mga commuters.

“Sa LTFRB, sensitibo tayo sa mga kahilingan at pangangailangan ng publiko,” ani Pua.