Calendar
Bebot nasapol ng motorsiklo, tumalsik, malubhang sugatan
MALUBHANG nasugatan ang 45-anyos na babae nang salpukin ng humaharurot na motorsiklo habang naglalakad noong Linggo sa Caloocan City.
Pero imbes na tulungan, tumakas ang rider na pagewang-gewang pa sa kamamadali habang isinugod ang biktima sa ospital.
Sa ulat kay Northern Police District (NPD) director P/BGen. Benliner Capili, naglalakad ang biktima at kaibigan sa Dagat-dagatan, Brgy. 8, pasado alas-4:00 ng umaga para bumili ng kape nang salpukin ng motorsiklo pagsapit sa kanto ng Lapu-Lapu St.
Tumilapon ang babae at bumagok ang ulo sa bangketa at nagtamo ng din ng sugat sa kamay ang kanyang kasama.
Umabot sa 10 stitches ang sugat sa ulo ng biktima at may injuries din sa balakang, siko at binti, ayon sa medical abstract.
Dumadaing din ang biktima na nasisilaw siya sa liwanag ng ilaw at nanlalabo ang mata.
Iniutos na ni BGen. Capili kay Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang pagtugis sa rider na tumakas.

