AWLFI AWLFI members with House Speaker Faustino “Bojie” Dy III during its general assembly last Nov. 18 at the House of Representatives.

90 congresswoman nagkasundo na magtayo ng crisis center para tumugon sa lumalalang mental health crisis sa PH

477 Views

NAGKASUNDO ang 90 ginang na kongresista sa Mababang Kapulungan na magtayo ng isang crisis center para sa kababaihan at mga batang babae upang makatulong na tugunan ang lumalalang problema sa mental health sa bansa.

Inanunsyo ang plano sa pangkalahatang asemblea ng Association of Women Legislators Foundation, Incorporated (AWLFI) noong Nobyembre 18 sa House of Representatives.

Ayon kay Gina de Venecia (Ika-4 na Distrito, Pangasinan), tagapagtatag at co-President ng AWLFI, magtatayo ang AWLFI ng kauna-unahang Crisis Center for Women and Girls na magbibigay ng mga serbisyong pang–mental wellness para sa kababaihan at mga batang babae na nasa krisis.

“Ang ating National Mental Health Quotient ay mabilis na bumababa, mula 78.44 noong 2023 tungo sa 68.76 noong 2024, kahit na naipasa ang Mental Health Act noong 2018,” sabi ni De Venecia, na tumutukoy sa pag-aaral ng Sapien Labs, isang non-profit global organization na naglalayong maunawaan at mapaunlad ang kakayahan ng isip ng tao. “Sa likod ng pagbaba ay mga tunay na tao — mga estudyante, ina, kaibigan — na mas bumigat ang mga hamon sa araw-araw. Ipinapakita rin ng pambansang datos na tumaas ang kaso ng suicide sa nakaraang tatlong taon, partikular na sa mga kabataan.”

Idinagdag pa niya na ang Crisis Center for Women and Girls ay isang tatlong-panig na proyekto ng DSWD (Department of Social Welfare and Development), DOH (Department of Health), at AWLFI.

Ayon naman kay AWLFI co-President Linabelle Villarica (Ika-4 na Distrito, Bulacan), “natukoy na namin ang lote kung saan itatayo ang unang Crisis Center. Nangako ang DSWD na maglalaan ng 5,000-square-meter na lupain sa loob ng The Haven for Women compound sa Alabang.”

Ibinalita rin ni Rep. De Venecia na si Dan Lichauco, isang kilalang arkitekto, ang gumawa ng disenyo ng unang Crisis Center for Women and Girls, gratis et amore (nang walang bayad).

Upang maisakatuparan ang proyektong ito, humingi ng suporta sina De Venecia at Villarica mula kay House Speaker Bojie Dy, na sumang-ayon na tumulong upang maging realidad ang pangarap na proyekto.

“Simple lang ang plano,” dagdag ni De Venecia. “Aamponin namin ang prototype ng tatlong The Havens na itinatag ng Congressional Spouses Foundation, Inc. (CSFI). Pagkatapos maitayo at maihanda ng CSFI, ito’y ipinauubaya sa DSWD para pamahalaan.”

Noong si Rep. De Venecia ang nagsilbing Pangulo ng CSFI sa 9th, 10th, 12th, 13th, at 14th Congress, naipatayo nila ang The Haven for Women at ang 15 regional centers nito, The Haven for Children na may apat na regional centers, at The Haven for the Elderly.

Ang AWLFI ay binubuo ng 90 babaeng mambabatas sa Mababang Kapulungan na nagsusulong ng mga adhikain para sa kababaihan at kabataan.

Kasama sa iba pang opisyal ng AWLFI sina:

• Senior Vice Presidents / Deputy Speakers: Janette Garin at Tin Singson-Meehan
• Internal Vice President: Rep. Lani Mercado-Revilla
• External Vice President: Rep. Jinky Luistro
• Vice Presidents for NCR: Reps. Queenie Gonzales, Nik Lagdameo, Marivic Co-Pilar
• Vice Presidents for Luzon: Reps. Rachel Arenas, Ann Matibag, Mica Gonzales
• Vice Presidents for Visayas: Reps. Alexie Tutor, Karen Garcia, Maisa Sagarbarria
• Vice Presidents for Mindanao: Reps. Kaka Bag-ao, Audrey Zubiri, Ai Labadlabad
• Vice Presidents for Party List: Reps. Girlie Veloso, Sarah Elago, Flora Yatco
• Secretaries: Reps. Bing Maniquiz, Gila Garcia, Dadah Ismula
• Treasurers: Reps. Maricar Zamora, Cristy Angeles, Patsy Calderon
• Auditors: Reps. Giselle Maceda, Karen Lagbas, Jan Degamo
• Business Managers: Reps. Ching Bernos, Caroline Tanchay, Kai Javier
• Public Relations Officers: Reps. Aniela Tolentino, Jam Baronda, Sam Santos
• Legal Counsels: Reps. Leila de Lima, Bel Zamora, Marlyn Agabas, Chedz Alvarez
• Advisers: Reps. Gloria Macapagal-Arroyo at Yedda Romualdez