9K mag-aaral, negosyande, indibidwal sa Davao may bigas, cash ayuda mula sa CARD, ISIP, SIBOL

129 Views

NASA 9,000 mag-aaral, negosyante at indibidwal sa Davao City ang nakatanggap ng bigas, at tulong pinansyal at pangkabuhayan sa ilalim ng tatlong programa ng administrasyong Marcos na nabuo sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Pinangunahan ni Speaker Romualdez ang seremonya ng pamamahagi ng Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program, Integrated Scholarships and Incentives for the Youth (ISIP) Program, at Start-Up, Investments, Business Opportunities and Livelihood (SIBOL) Program sa magkakahiwalay na lugar sa Davao City noong Huwebes.

“Kaya naman sa tuwing may Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) tayo sa isang lugar o lalawigan, sinisikap natin na mayroon ding CARD, ISIP at SIBOL para sa mga sektor ng lipunan na kailangan din ng ayuda,” dagdag ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

Tatlong libong benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-P5,000 cash aid sa pamamagitan ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng DSWD sa El Pueblo Countryside Road sa Davao City.

Lahat sila nakatanggap din ng 20 kilong premium Pinoy rice.

Layon ng programa na tugunan ang tumataas na presyo ng bigas at tulungan ang mga nangangailangang Pilipino ng access sa murang bigas at tulong pinansyal.

Para naman sa ISIP Program, nasa 3,000 mag-aaral naman ang napagkalooban din ng tig-P5,000 mula rin sa AKAP ng DSWD at tig-5 kilo ng bigas na ginanap sa of University of Southeastern Philippines.

Maliban sa tulong pinansyal, ang mga natukoy na benepisyaryo ipapasok din sa Tulong Dunong Program (TDP) kung saan ang mga estudyante at makakakuha ng scholarship assistance kada taon na nagkakahalaga ng P15,0000 at bibigyan ng priority slot sa Government Internship Program (GIP).

Ang kanila namang mga magulang o guardian na walang trabaho at ipapasok sa DOLE-TUPAD Program.

Nasa 3,000 naman na nagsisimula ng mga maliliit na negosyante ang natulungan ng SIBOL sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tig-P5,000 tulong pangkabuhayan sa ilalim pa rin ng AKAP ng DSWD kasama ang limang kilong bigas na ginanap naman sa Ayala Azuela Cove sa Lanang, Davao City.