Gatchalian

Gatchalian ipinasuri CCTV sa wacky photos sa Senado

37 Views

IPINASUSURI ni Senate President Sherwin Gatchalian ang CCTV footage kaugnay ng mga umano’y wacky photo na kinunan sa loob ng session hall ng Senado, para matiyak na hindi ito gawa ng artificial intelligence (AI) o photoshop.

Iniutos niya ang imbestigasyon sa Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA). Kapag napatunayang totoo ang mga larawan, maglalabas ng pahayag ang Senado.

“Ang session hall at Senado ay sagrado ito dahil dito natin ginagawa marami sa ating mahahalagang batas at mahahalagang isyu so dapat respetuhin natin itong institusyon na ito,” ani Gatchalian sa isang panayam nitong Miyerkules.

“Hindi naman tama na may ginagawa kang katawa-tawa sa loob ng ating institusyon,” dagdag niya.

Tinanong si Gatchalian tungkol sa mga larawang kinunan umano sa session hall at sa pasilyo ng Senado, kung saan may makikitang natutulog at nagsasayaw.

“Oo hindi tama yun, pinapaimbestigahan ko na ngayon sa OSAA, pinapatingin ko sa CCTV just to make sure hindi yun photoshop. Kung totoo yun, gagawa tayo ng statement,” aniya.

Kailangan daw munang beripikahin ang mga larawan dahil laganap ngayon ang AI.

“Like I said, hindi pwedeng gumawa ng mga katawa-tawang mga aksyon sa Senado,” giit niya.

Tinanong kung susulatan ang mga sangkot, sagot ni Gatchalian: “Susulatan sila, bibigyan ng warning.”