FAKE

BI hinarang lalaking pasahero sa NAIA-T3 dahil sa pekeng departure stamp

Jun I Legaspi Oct 15, 2026
36 Views

HINARANG ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 28-anyos na lalaking pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong gabi ng Oktubre 7 matapos itong tangkaing makalusot sa primary inspection gamit ang pasaporteng may pekeng departure stamp.

Ayon sa BI Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), isinailalim sa secondary inspection ang pasahero matapos mapansin ng immigration officer na kahina-hinala ang departure stamp na nakatatak sa kanyang pasaporte.

“Sinabi ng pasahero na nakumpleto na niya ang kanyang mga departure formalities at ipinakilala ang sarili bilang isang turistang patungong Malaysia,” ayon kay I-PROBES Chief Leni Maminta.

Sa isinagawang pagtatanong, ibinunyag ng pasahero na nakipagkita siya sa isang contact sa loob ng NAIA Terminal 3 na kumuha ng kanyang pasaporte at boarding pass at kalaunan ay ibinalik ang mga ito na may nakatatak nang pekeng departure stamp.

Ayon sa kanyang salaysay, nangakuan siya ng tulong sa pagproseso ng immigration requirements at travel documents sa pamamagitan ng Telegram. Iginiit niya na hindi niya alam na kabilang sa naturang kaayusan ang paglalagay ng pekeng departure stamp sa kanyang pasaporte.

Ibinahagi rin ng pasahero na siya ay ni-recruit para sa isang customer service representative (CSR) na posisyon at sumailalim sa panayam ng isang dayuhan bago ang kanyang nakatakdang pag-alis. Aniya, hindi rin siya hiningan ng anumang bayad kapalit ng pagbabalik ng kanyang mga dokumento sa paglalakbay.

Matapos suriin ng BI Forensic Documents Laboratory ang pasaporte, kinumpirma nito na peke ang departure stamp.

Nagpahayag naman ng pagkabahala si BI Commissioner Joel Anthony M. Viado hinggil sa naiulat na modus at hinikayat ang publiko na maging maingat sa pakikipagtransaksyon sa mga hindi awtorisadong indibidwal na nag-aalok ng tulong sa immigration o oportunidad sa trabaho sa ibang bansa.

“Hinahikayat namin ang publiko na manatiling mapagmatyag sa pagkuha ng mga oportunidad sa trabaho sa ibang bansa na pinangangasiwaan ng mga hindi awtorisadong indibidwal. Ang mga ganitong kaayusan ay maaaring maglantad sa mga aplikante sa human trafficking, illegal recruitment, at iba pang anyo ng pagsasamantala,” ani Viado.

Ang pasahero ay itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang tulong at karagdagang imbestigasyon kaugnay ng kanyang recruitment at paglalakbay, kabilang ang posibleng mga paglabag na ginawa ng mga taong sangkot sa insidente.