LTFRB sinimulan na operasyon vs colurum na online delivery trucks, vans

Jun I Legaspi Oct 15, 2026
33 Views

NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, laban sa mga may-ari ng pribadong sasakyang ginagamit sa transportasyon, logistics, at delivery para sa mga online marketplace nang walang kaukulang awtorisasyon.

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., kinumpirma ng imbestigasyon ng ahensya ang mga ulat ng mga lehitimong operator tungkol sa ilegal na paggamit ng mga pribadong truck at van sa naturang mga serbisyo.

“Babala ito sa lahat ng sangkot sa ganitong modus. Sinimulan na namin ang operasyon laban sa inyo, katuwang ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas. Sa ngayon, dalawa lang ang inyong pagpipilian: itigil ang operasyon o kumuha ng kinakailangang pahintulot,” ani Acting Chairman Pua.

Binigyang-diin niya na maituturing na colorum ang ganitong gawain at hindi makatarungan sa mga lehitimong operator na sumusunod sa mga regulasyon. Dahil dito, inatasan na ang Law Enforcement Unit ng LTFRB na paigtingin ang anti-colorum operations sa buong bansa, partikular laban sa mga pribadong sasakyang ilegal na ginagamit sa Truck-for-Hire services para sa mga online marketplace.

Aniya, mahalaga ang pagkuha ng Certificate of Public Convenience (CPC) o kaukulang awtorisasyon mula sa LTFRB hindi lamang para sa pagsunod sa batas kundi para matiyak din ang kaligtasan sa kalsada, dahil kailangang sumailalim sa roadworthiness inspection ang mga sasakyang ginagamit sa naturang serbisyo.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang patas na pagpapatupad ng mga regulasyon at pangangalaga sa kapakanan ng sektor ng transportasyon.

Ayon kay Acting Chairman Pua, paglabag sa Joint Administrative Order No. 2014-01 ang pagpapatakbo ng mga ilegal na serbisyo, na may katapat na parusang pag-impound sa sasakyan at multang hanggang ₱200,000 kada unit.

Dagdag pa niya, kailangang sumunod ang mga naturang operasyon sa mga probisyon ng Public Service Act, na inamyendahan ng Republic Act No. 11659, kabilang ang mga limitasyon sa pagmamay-ari at kontrol ng mga dayuhan alinsunod sa 60%-40% na patakaran. Ang paglabag dito ay maaaring parusahan ng pagkakakulong nang anim (6) na taon at isang (1) araw hanggang labindalawang (12) taon, multang hanggang ₱2 milyon, o pareho.

“Gawin nating mas maunlad na lugar ang ating bansa para sa pagnenegosyo. Nagsisimula ito sa pagsunod sa mga patakaran at regulasyon,” ani Acting Chairman Pua.

“Kung hindi, mapipilitan kaming kumilos sa pamamagitan ng pagpapatupad ng batas. Ayaw naming umabot sa ganito, kaya hinihikayat namin ang lahat na gampanan ang kanilang bahagi sa pamamagitan ng paggalang at pagsunod sa mga umiiral na patakaran at regulasyon,” dagdag niya.